(NI JEDI PIA REYES)
MAHIGIT 140 P2P (point to point) bus ang nakatakdang ipakalat ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3) sa loob ng isang linggo na wala itong operasyon dahil sa isasagawang maintenance.
Nauna nang inianunsiyo ng pangasiwaan ng MRT 3 na magpapatupad sila ng maintenance shutdown simula sa Abril 15 (Lunes Santo) hanggang Abril 21 (Linggo ng Pagkabuhay). Babalik ang normal na operasyon ng MRT 3 sa Lunes, Abril 22.
Itinakda ng MRT 3 ang drop-off at pick-up points o ang mga lugar na puwedeng magbaba at magsakay ang mga bus na ide-deploy nito sa hindi kalayuan sa mga istasyon din ng MRT 3 sa Edsa.
Kabilang dito ang North Avenue partikular na sa MRT station (southbound) at Trinoma (northbound); Quezon Avenue (MRT Station at Centris ); GMA Kamuning (sa harap ng SMDC at tapat ng lumang MLQU building); Araneta Center Cubao (hagdan malapit sa Vista Hotel at Expo Center); Santolan Annapolis (VV Soliven at MRT Station); Ortigas (MRT Station at Megamall/Robinson); Shaw Boulevard (Starmall waiting shed/Megamall); Boni (bus stop malapit sa hagdan at bus stop malapit sa SMDC Light Mall); Guadalupe (footbridge Loyola); Buendia (bus stop malapit sa Shell gasoline station at sa bus stop); Ayala (bus stop malapit sa SM at bus stop malapit sa Telus building); Magallanes (bus stop malapit sa San Lorenzo building at sa hagdan ng MRT); Taft Avenue (bago dumating ng Kabayan at malapit sa McDonald’s at Sogo Hotel).
Ang singil sa pasahe ay ibabatay sa fare matrix ng MRT 3.
149