INARESTO ang dalawang hinihinalang big time drug pusher makaraang makumpiskahan ng walong kilo ng umano’y shabu na tinatayang P54 milyon ang halaga, sa buy-bust operation sa Doña Soledad Ave., Brgy. Don Bosco, Parañaque City noong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat, isang pulis ang nagpanggap na bibili ng droga sa mga suspek na isang 32-anyos na lalaking taga-Camarines Norte at isang 27-anyos na lalaking taga-Maguindanao.
Ikinasa ang transaksyon ng bilihan ng droga ng dalawang suspek sa harap ng isang mall sa Bicutan sa Doña Soledad Ave., Parañaque City.
Makaraan ang transaksiyon ng pulis na umaktong poseur buyer at ng mga suspek, agad dinamba ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Group ang mga ito.
Nakuha bilang ebidensya sa dalawang suspek ang walong berdeng tea bag na pinaglagyan walong kilong shabu, at ang kotseng ginamit ng mga ito. (DAVE MEDINA)
