Implementasyon pinauurong ng Kamara DULOT NG RFID PROBLEMA HINDI GINHAWA

BUNSOD ng problemang idinulot ng radio-frequency identification (RFID) sa trapiko sa mga expressway tulad ng North Luzon Expressway (NLEX), ipinauurong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang implementasyon nito.

Ito ang kinumpirma ni House TRansportation Committee chairman, Rep. Edgar Mary Sarmiento matapos padalhan ng sulat ang Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB) na bawiin muna ang implementasyon ng RFID hanggang Enero 2021.

“Dun sa huling hearing namin noong November 25, i-push back ng January 1,” ani Sarmiento kaya nagpadala na aniya ng sulat ang komite sa mga nabanggit na ahensya lalo na’t nakita ang problema ng RFID sa NLEX na nagdudulot ng matinding problema sa trapiko sa kasalukuyan.

Nais din ng mambabatas na unti-unti lang ang pagpapatupad ng RFID o cashless payment sa tollways lalo na’t kahalati pa lamang umano sa 6.1 million sasakyan sa Metro Manila, Region 3 at Region 4-A ang nagpakabit ng stickers.

“Ibig sabihin, bubuksan pa rin ang cashless lane kaya lang pakonti-konti na po. ‘Yun ang gusto nating transition period,” ayon pa sa mambabatas upang hindi magdulot ng aberya sa trapiko ang implementasyon ng RFID.

Mas maiksi ito kesa hirit umano ng tollways operators tulad ni Ramon Ang, na ipagpaliban ang RFID implementation hanggang sa Pebrero 2021 upang maayos ang lahat ng problema at makapagpakabit aniya ng RFID ang lahat ng mga sasakyan na daraan sa mga expressway.

Ganito rin ang rekomendasyon ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos dahil marami pa ring mga taga-probinsya ang hindi pa nakapagpapakabit ng RFID.

“Para sa ating mga motorista na hindi naman palaging gumagamit ng expressway, mahirap ito at magulo. Sa mga motorista na galing pang mga probinsya, with the pandemic restrictions, hindi naman ganoon kadaling pumunta at magparehistro ng RFID and syempre we need to think that not all have the luxury of time to go and register for an RFID,” ani Delos Santos.

Suportado aniya ng lahat ang cashless collection sa mga expressway subalit kailangan unahin ang kapakanan ng lahat at tiyakin muna na mabasa ang lahat ng mga RFID upang hindi ma-delay ang biyahe ng mga motorista sa lahat ng mga expressway. (BERNARD TAGUINOD)

 

83

Related posts

Leave a Comment