P68-M SHABU TIKLO SA NIGERIAN, AFRICAN

UMAABOT sa P68 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang Nigerian at kasamang African sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Nadakip sina Lawrence Ikegwuruka, 37, Nigerian national, at Michella Augustin Tsimaluto, 23, African national, pasado alas-10:00 ng umaga sa Roces Avenue sa Barangay Paligsahan.

Ayon kay PDEA Agent Freddie Banagao, nakatanggap sila ng ‘tip’ kaugnay sa malakihang bentahan ng ilegal na droga sa nabanggit na lugar kaya agad silang nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang dayuhan.

Nakuha sa mga suspek ang tinatayang 10 kilo ng umano’y shabu na tinatayang P68 milyon ang halaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong sindikato ang kinabibilangan ng dalawang dayuhan. (JG TUMBADO)

202

Related posts

Leave a Comment