PCG NAG-DEPLOY NG 2 BARKO SA WPS

IPINAG-UTOS ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Javan ang deployment ng BRP Malapascua (MRRV-4403) at BRP Sindangan (MRRV-4407) sa Scarborough Shoal, o Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.

Nitong Lunes, sinabi ni PCG spokesman Rear Admiral Armando Balilo, ang deployment ay upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

Sinabi ni Balilo, nakausap ng PCG personnel ang dalawang lokal na mangingisda sa bisinidad ng shoal, at sinuri ang kalusugan at fishing operations ng FBCA Princess Yhan Yhan, sakay ang 12 crew, at FBCA Rundel -1 na may pitong crew.

Sinabi rin ni Balilo, tinalakay rin ang banta ng Chinese Coast Guard (CCG) na arestuhin ang non-Chinese fishermen sa West Philippine Sea (WPS).

Tiniyak ng PCG sa mga mangingisda na iingatan ng mga tauhan nito ang kanilang kaligtasan at magbibigay ng seguridad sa kanilang mga aktibidad sa pangingisda. Namahagi rin ang Coast Guard ng mga pagkain at gamot sa mga mangingisdang Pilipino upang madagdagan ang kanilang suplay.

Nauna nang hiniling ng mga mangingisda ang presensya ng PCG habang sila ay nangingisda sa Bajo de Masinloc kasunod ng banta ng Tsina.

Samantala, ibinunyag ni Balilo na sinundan ng CCG-3106 ang BRP Sindangan sa kanilang routine maritime patrol. Mayroon ding dalawa pang CCG vessels sa bisinidad ng baybayin ng Bajo de Masinloc.

Sa kabilang banda, nagpapatuloy ang maritime operations ng BRP Teresa Magbanua sa Sabina Shoal at sa bisinidad ng Palawan bilang karagdagang suporta sa iba pang aktibidad ng gobyerno.

Tiniyak ng PCG na daragdagan pa ang kanilang pagpapatrolya upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda.

“Wala pong nagbabawal sa atin na mangisda sa Bajo De Masinloc kaya ang mga barko ng PCG ay patuloy at salitan po na nagpapatrol. Ang advice lang namin ay iwasan po natin lalo na ‘yung maliit na grupo, na lumapit sa Chinese Coast Guard vessels,” sabi ni PCG Commander Severino Destura Jr. (JOCELYN DOMENDEN)

48

Related posts

Leave a Comment