UMAPELA ng patas na imbestigasyon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay na rin sa mga bintang laban sa kanya na pagkakasangkot sa POGO operations, money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na kinasasangkutan ng Baofu Land Development Inc.
Sa 7 pahinang liham na ipinadala ni Guo kay PAOCC Chairman at Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na sina Atty. Yvette Gianan at Atty. Lorelie Santos ay ipinahayag nito ang kanyang kahandaan na makipagtulungan sa imbestigasyon subalit umapela ito na mabigyan siya ng “presumption of innocence” at hindi agad husgahan base sa mga negatibong isyung ipinupukol sa kanya na pawang walang ebidensya at walang katotohanan.
Giit ni Guo na bagamat siya ang alkalde ng Bamban ay hindi tama na siya na ang sisihin at isangkot sa mga krimen na nangyayari. Aniya, limitado lamang ang kanyang naging partisipasyon sa POGO sa Bamban sa pagbibigay ng business permit na siya namang mandato ng mga alkalde.
“Ang pagiging mayor ng isang bayan ay hindi awtomatikong nangangahulugan na ito ay maaaring protector, kasangkot o kasabwat sa lahat ng krimeng nangyayari sa kanyang nasasasakupan.
Bagamat ang posisyon ng mayor ay may kaakibat na responsibilidad, hindi ito nangangahulugang lahat ng alegasyon ng illegal na gawain sa bayan ay may basbas at kaalaman ni Mayor,” nakasaad sa liham ni Guo.
“Ang pagsasakdal sa isang mayor ng pagkakasangkot sa ganitong klase ng aktibidad nang walang sapat na ebidensya ay hindi makatarungan at nakasisira sa integridad ng opisina, reputasyon ng indibidwal at ng institusyon,” giit pa nito.
Nanindigan si Guo na ang mga akusasyon laban sa kanya ay dapat patunayan ng mga konkretong ebidensya at hindi lamang batay sa haka-haka.
Aniya, wala itong intensyon na gumawa ng anomang illegal na gawain at lahat ng aksyon niya ay alinsunod sa proseso, kasama na rito ang maagang pag-divest sa Baofu Land Development Inc. nang mahalal sya bilang alkalde. Aniya, kung mayroon mang illegal na nagawa ang Baofu ay hindi na siya parte ng kumpanya.
Ipinaliwanag ni Guo kay Bersamin na walang katotohanan ang paratang na ang layunin ng pagkakatatag ng Baofu Land Development Inc. ay para sa money laundering at upang magpatayo ng isang POGO Hub sa Bamban.
Sinabi ni Guo na ang Baofu Land Development Inc. ay itinatag alinsunod sa batas ng Pilipinas at ito ay lehitimong nakarehistro ayon sa panuntunan ng Securities & Exchange Commission.
Wala rin aniyang basehan ang paratang na Conspiracy Theory. Giniit ni Guo na hindi totoo ang naratibong siya ay tumakbo bilang Mayor ng Bamban upang protektahan ang Baofu Land Development Inc.
Sa isyu ng pagkakasangkot din nya sa human trafficking, kidnapping at money laundering, ipinunto ni Guo na walang anomang ebidensya laban sa kanya sa bintang na ito.
Nagpahayag si Guo ng kanyang tiwala sa paglilinis ng kanyang pangalan sa pamamagitan ng isang maingat at walang kinikilingan na imbestigasyon.
Ipinangako ni Mayor Guo kay Bersamin ang kanyang buong kooperasyon sa anomang proseso ng imbestigasyon at pagbibigay ng kinakailangang dokumento o pahayag upang linisin ang kanyang pangalan.
