(NI KEVIN COLLANTES)
SINUSPINDE ng Department of Transportation (DOTr) ang limang Private Emission Testing Centers (PETCs) sa bansa kasunod nang pagkadiskubre na namemeke ang mga ito ng emission tests results.
Batay sa advisory na inisyu ng DOTr, nabatid na kabilang sa sinuspinde ay ang Cris Joe Emission Testing Center sa Camalig, Meycauayan City, 3020, Bulacan; Malabon Grande Emission Testing Center sa Barangay San Juan 1, General Trias, 4107, Cavite; at Shekinah Smoke Emission Testing Center sa Purok 3, Comawas, Bislig City, 8311, Surigao Del Sur.
Suspendido rin ang Taal Emission Testing Center sa Barangay Carsuche, Taal, 4208, Batangas; at ang Vehicle Inspection and Testing Center – Lot #75 Efficiency St., Ph1, Subic Bay Industrial Park, 2222, SBFZ.
Ipinaliwanag ng DOTrs na nagpasya silang patawan ng suspensiyon ang mga naturang PETCs matapos matuklasan sa isinagawang imbestigasyon ng kanilang Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), na ang mga ito ay namemeke ng resulta nang isinasagawa nilang emission tests.
Nabatid na ang naturang 90-day suspension ay inisyu noong Enero 11, 2019, ngunit kamakalawa lamang ito inianunsiyo ng DOTr sa kanilang social media accounts.
Bukod naman sa mga naturang PETCs, pinadalhan na ng DOTr ng kopya ng suspension order ang mga IT Service Provider ng mga ito, at binalaan na mahaharap sa kahalintulad na parusa kapag patuloy na nagproseso ng datos mula sa mga suspendidong PETCs.
Matatandaang ilang PETCs na rin unang pinatawan ng 90-day suspension ng DOTr dahil rin sa pamemeke ng resulta ng emission tests.
263