PINAS NAGTALA NG 11 LOCAL DELTA VARIANT CASES

0

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DoH) ng kauna-unahang mga lokal na kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isinagawa nilang pinakahuling genome sequencing run ay nakatukoy sila ng 16 bagong Delta variant cases.

Sa naturang bagong bilang, 11 ang lokal na Delta variant cases at lima naman ang returning overseas Filipinos (ROFs).

Nabatid pa kay Vergeire, sa 11 local cases, dalawa ang natukoy sa Metro Manila at isa sa mga ito ang namatay habang isinusugod sa pagamutan noong Hunyo 28 samantalang ang isa pa aniya ay nakarekober na mula sa COVID-19 noong Hunyo 23.

May anim na Delta variant cases rin na natukoy sa Region 10 at ang lahat ng mga ito ay nakarekober na.

Ang isang lokal na kaso ng sakit ay natukoy sa Metro Manila ngunit may address naman sa Region 3. Ang pasyente ay nakarekober na rin matapos na dapuan ng karamdaman noong Hunyo 27.

“All these cases have no known connection to each other,” pahayag pa ni Vergeire.

Ang dalawa pang lokal na kaso ay natukoy naman aniya sa Region 6 at nakarekober na rin matapos na magkasakit noong Mayo 27.

Samantala, sa limang ROFs naman, isa ang dumating sa bansa mula sa United Kingdom noong Abril 26 at na-tagged na bilang recovered matapos ang 14-day quarantine.

Dalawa pa sa kanila ang dumating mula sa Qatar noong Hunyo 15 at gumaling na rin mula sa karamdaman.

Bineberipika pa umano ng DoH ang arrival date at quarantine status ng dalawa pang ROF cases.

Sa kabuuan ay umabot na umano ang kaso ng Delta variant sa Pilipinas sa 35.

Unang iniulat na ang Delta variant ng COVID-19 na-detect sa India noong Disyembre 2020, ay mas nakahahawa kumpara sa orihinal na COVID-19 strain dahil sa presensiya ng L452R mutation na ang virus ay may kakayahang makadaan sa immune system ng tao at mas mabilis na kumalat sa mga cell.

Inatasan na ng DOH ang mga apektadong local government units (LGUs) na paghusayin pa ang kanilang contact tracing efforts at magsagawa ng ‘back tracing’ sa Delta variant carriers.

Ayon sa DOH, kailangang mapalawak pa ang pagtunton sa contacts ng mga pasyente hanggang sa third generation para makita kung sinu-sino pa ang apektado nito. (RENE CRISOSTOMO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment