(NI HARVEY PEREZ)
DISMAYADO ang church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa ginawang talakan ng magkapatid na si Makati Mayor Abigail Binay at Junjun Binay nang magkaroon ng mainitang argumento sa isang pre-election forum na inorganisa ng grupo, at ginanap sa San Ildefonso Parish church noong Sabado, sa Makati.
Sinabi ng PPCRV na nawalan na ng respeto ang magkatunggaling magkapatid sa simbahan.
Ayuon kay PPCRV Vice chair Johnny Cardenas na bago isinagawa ang forum ay isinailalim na sa briefing ang mga kandidato at pinaalalahanan na iwasan ang mga tirada o mga pasaring sa isa’t isa bilang respeto sa simbahan.
Dapat na nag-pokus na lamang ang mga ito sa kani-kanilang mga plataporma, lalo na at magkapatid naman ang mga ito.
“Kaya lang, itong nakaraan nagkainitan yung magkapatid na hindi naman dapat, kasi alam mo naman, inaasahan natin na kapag nasa loob ng simbahan, igagalang yan, at ang medyo weirdo pa dito ay magkapatid yan,” ayon kay Cardenas.
Magugunita na matapos na magbigay ng kanyang closing address si Mayor Abby ay naupo na ito sa tabi ng kanyang kapatid na si dating mayor Junjun, pero nagkaroon ng argumento sa pagitan ng mga ito at pinigilan lamang ng kanilang amang si dating vice president Jejomar Binay at ng kanilang mga kandidato.
Humingi naman ng paumanhin ang magkapatid na Binay dahil sa naganap, sa kani-kanilang social media accounts at nagpahayag ng kalungkutan sa nangyari.
428