SEGURIDAD SA DIVISORIA PINAIGTING SA PAGDAGSA NG SHOPPERS

MARIING iniutos ni P/Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng Manila Police District, ang pagpapaigting ng seguridad at kaayusan sa Divisoria sa Tondo, Manila ngayong papalapit na ang Christmas season, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili.

Nakipag-ugnayan na si P/Staff Sergeant Gerardo Tubera, Outpost commander sa Dagupan Police Community Precinct, sa barangay officials para magmatyag sa laban sa masasamang loob na pagala-gala sa Divisoria.

Nitong Martes ng umaga, namahagi ng two-way radios at whistles para agad matugunan ang posibleng paghingi ng tulong ng mga mamimili, sa isinagawang “Pulis at Barangay Ugnayan and Turnover of Two-way Radios and Whistles”, sa Barangay 3, 4, 6, 7, 8, 9, 48, at 49.

Bawat barangay ay binigyan ng tig-12 whistles at 5 two-way radios na magagamit nila sa pagroronda sa buong Divisoria na nasasakupan ng MPD Station 2.

Dumalo sa turn-over ceremony sa Brgy. 48 covered court, Dagupan, Tondo si MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon bilang pangunahing pandangal, at nanguna sa pamamahagi ng units sa mga barangay chairman, kasama sina P/Lt. Col. Lorenzo III at P/SMS Tubera. (RENE CRISOSTOMO)

37

Related posts

Leave a Comment