(NI ABBY MENDOZA)
HINDI lamang mga isda, kundi maging mga tahong at talaba, ang nagsimatayan din sa naganap na fish kill sa Paranaque, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Paranaque City Agricultural Office Officer-in-charge Nilo Germedia halos lahat ng lugar sa Paranaque na pinagkukunan ng tahong at talaba ay naapektuhan ng fish kill.
Kanila na umanong iniimbestigahan ang insidente kung sanhi rin ng mataas na ammonia ang pagkamatay ng mga tahong at talaba matapos na rin mapansin na ang mga tahong na nakuha sa lugar ay wala nang laman at parang nalusaw.
Halos buong tahungan ng Parañaque ay apektado, maging ang talabahan.
“Walang laman ang mga tahong. Ang laman po ay natunaw,” paliwanag ni Germedia.
Kumuha na ng water samples ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources(BFAR) upang isailalim sa pagsusuri.
Una nang sinabi ng BFAR na ang fish kill na naganap sa Las Pinas at Paranque ay dahil sa mataas na ammonia at phosphate levels na nakita sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA).
Sa ngayon ay inaalam na ng BFAR at DA kung ano ang posibleng sanhi ng pagtaas ng level ng ammonia sa tubig at isa sa kanilang tinitingnan ay posibilidad ng dynamite fishing.
Malaki na umano ang pagkakalugi ng mga mangingisda dahil sa fish kill, nabatid na sa ilang lugar sa Paranaque ay wala kahit isang na-harvest na tahong kaya malaki na ang pagkakalugi ng mga mangingisda.
Nabatid na sa isang hektarya ay aabot ng P1M hanggang P15M.
413