INIHAYAG ni Mayor Rex Gatchalian na isasalang sa COVID-19 test ng lokal na pamahalaan ang mga Valenzuelano na lumahok sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Manila noong Sabado.
Ayon sa alkalde, tinutukoy na ang mga pinuno ng mga grupo ng mga deboto ng Nazareno na ang mga kasapi ay dumalo sa pista ng Nazareno sa Quiapo.
Dagdag pa ni Gatchalian, ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ng kailangang hakbang para hindi lumobo ang kaso ng COVID-19.
Nauna rito, nakiusap ang alkalde sa mga deboto na sa bahay na lamang ipagdiwang ang pista ng Quiapo.
Bagama’t may mga sumunod ay may mga hindi nagpapigil at dumalo pa rin sa traslacion.
Sinabi ng alkalde, ito ay dahil panata na ito ng mga deboto lalo na ang mga deka-dekada nang sumusuong sa pista ng Nazareno. (ALAIN AJERO)
