Mga Babaeng Empleyado ng Meralco: Simbolo ng Husay at Galing sa Bawat Larangan

(Joel O. Amongo)

Bagama’t malaki na ang napagtatagumpayan sa laban para isulong ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, marami pa rin ang kailangang gawin para tunay na makamit ang patas na oportunidad para sa lahat hindi lamang sa trabaho kundi sa buong lipunan.

Halimbawa, sa tradisyunal na industriyang pinangungunahan ng mga lalaki tulad ng enerhiya, ang kababaihan ay bumubuo lamang ng mas mababa sa 20% ng kabuuang manggagawa sa sektor na ito ayon sa ulat ng World Energy Employment 2024.

Dito sa Pilipinas, isa ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga nangungunang kumpanya na kinikilala ang natatanging kontribusyon ng mga kababaihan sa industriya. Batid ng Meralco ang mahalagang papel na ginagampanan nito sa pagbibigay oportunidad sa mga kababaihan upang ipakita ang kanilang kakayahan, umunlad sa kanilang mga karera, at makapaghatid ng makabuluhang pagbabago.

Kaya naman kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng mga Kababaihan, binigyang pagkilala ng Meralco ang mga babaeng empleyado nito na patuloy na pinapatunayan ang natatangi nilang husay at dedikasyon sa anuman kanilang ginagawa.

Husay at dedikasyon

Isa sa mga babaeng empleyado ng Meralco na patuloy na nagpapakita ng kakaibang husay hindi lamang sa trabaho kundi pati sa larangan ng sports ay si Bien Zoleta, isang Meralco Customer Care Representative at tanyag na atleta.

Sa loob ng 12 taon na pagtatrabaho niya sa Meralco, aktibong pinagsasabay ni Zoleta ang pagiging empleyado at propesyunal na atleta. Pinatunayan ni Zoleta na bukod sa kanyang pagiging empleyado, siya rin ay wag I sa larangan ng sports. Sa katunayan, siya ang kauna-unahang Pilipino na nag-uwi ng gintong medalya para sa Soft Tennis mula sa Southeast Asian (SEA) Games. Apat na gintong medalya na ang kaniyang naiuwi mula sa SEA Games—dalawa noong 2019 at dalawa ulit noong 2023.

“Siyempre, I’m very thankful sa Meralco kasi sinusuportahan yung after work ko, kumbaga bilang isang atleta napakasaya nun,” ani Zoleta. “Dahil sa Meralco, naipursige ko ang hilig ko sa sports habang isinusulong ko ang professional career ko sa corporate world. Bilang isang atleta, napakasayang malaman na yung pinapasukan mong kumpanya ay sinusuportahan yung after-work ko lalo na kasi I represent the country.”

Bilang Customer Care Representative ng Meralco, malaki ang kanyang ginagampanan na papel para matiyak na maayos ang serbisyo ng kumpanya sa mga customer. Dagdag pa niya, mas nakatutulong sa kaniyang trabaho ang pagiging babae dahil likas na sa kaniya ang pagiging maunawain.

Bukod sa pagiging empleyado, umuukit rin si Zoleta ng kasaysayan sa Soft Tennis, bilang miyembro ng Philippine Soft Tennis Association of the Philippines na nakapag-uwi ng karangalan sa bansa at sa kumpanya.

Matapos ang kaniyang unang gintong medalya sa SEA Games noong 2019, nagtuluy-tuloy pa ang tagumpay ng Zoleta noong 2023 at nitong nakaraang taon naman ay itinanghal siyang World Pickleball Champion na isang umuusbong na bagong sports.

“Masigasig ako sa sports kasi sa pagiging atleta, kinatawan ako ng bansa. Sa pagiging empleyado naman, nagsisilbi ako sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga serbisyo ng Meralco kaya, para sa akin, pareho pala siyang puwede. Parehong para sa sarili at puwede rin para sa ibang tao,” ani Zoleta.

Pinatunayan ni Zoleta na kayang-kaya na maging mahusay na isang babae sa iba’t-ibang larangan ang mga kagaya niya. Ang kuwento ni Zoleta ay sumasalamin sa lahat ng mga kababaihan na paulit-ulit na ipinakikita na malaki at mahalaga ang kanilang ambag sa lipunan.

Tibay ng loob

Samantala pinatunayan naman ng babaeng line crew ng Meralco na si Mary Rose Calasin na hindi lang para sa mga kalalakihan ang ganitong uri ng trabaho at kung kaya ng mga lalaki ay kaya rin ng mga babae.

Mula sa pagiging encoder, lumahok ang 29-anyos na si Calasin sa Meralco Linecrew Training Program (MLTP) para mag-aral at magsanay bilang isang line crew.

Ang MLTP ay isang programa ng Meralco kung saan hinahasa at tinuturuan ang mga lalaki at babaeng nagnanais pumasok sa trabaho ng pagiging line crew. Sa katunayan, ang Meralco ang nanguna sa buong Timog Silangang Asya sa pagtanggap ng mga babae bilang line crew. Sa kasalukuyan, ang Meralco ay may 25 kababaihan na line crew.

Kuwento ni Calasin, hangarin niya talaga ang makapasok sa Meralco dahil alam niya na maganda ang kumpanya. Dagdag niya pa, dahil sa kaniyang trabaho sa Meralco ay nabibigyan niya ng komportableng buhay ang kaniyang 70-anyos na ama.

Taong 2024 nang pormal na maging line crew ng Meralco si Calasin nang matapos niya ang MLTP.

“Akala ng iba hindi kaya pero nagugulat na lang sila na mayroon nang babaeng umaakyat ng poste, na nagtatrabaho bilang linecrew,” ani Calasin.

“Mas lalo ko ginagalingan kasi marami yung nai-inspire and napapahanga na may babae sa trabahong ito,” dagdag niya.

Sa isang taon niyang pagtatrabaho sa kumpanya, marami na ang natutunan at naging karanasan ni Calasin. Sa katunayan, isa si Calasin sa mga unang rumesponde para maibalik ang serbisyo ng kuryente sa Quezon City matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine noong nakaraang taon.

“Masaya ako kapag nakikita ko na may mga nagtitiwala sa kakayanan ko at mayroon din na mga nai-inspire sa trabaho ko,” aniya.

Ilan lamang si Calasin at Zoleta sa mga mahuhusay na babaeng empleyado ng Meralco na nagpapatunay sa kakayanan ng kababaihan na magpamalas ng natatanging talino at galing sa iba’t-ibang larangan.

“Kaya natin gawin kung ano yung kayang gawin ng mga lalaki. Hindi tayo babae lang, babae tayo at kaya natin gawin ang ginagawa din ng mga lalaki,” ani Calasin.

Ang mga empleyadong gaya ni Calasin at Zoleta ang mga nagpapatunay sa dedikasyon ng Meralco na isulong ang pagkakapantay-pantay sa trabaho. Sa ilalim ng programang #Mbrace, layunin ng Meralco na palakihin pa ang representasyon ng mga kababaihan sa kumpanya at umabot it ng 40% pagdating ng taong 2030. Noong 2024, nakapagtala na ang Meralco ng higit sa 23% na representasyon para sa mga kababaihan na bahagi ng hanay nito. Higit na mas mataas ito sa pangkalahatang representasyon ng kababaihan sa pandaigdigang industriya ng enerhiya na umaabot lamang sa 13%.

Ang Meralco rin ay isa sa nangunang mga signatory ng United Nations’ Women’s Empowerment Principles (WEPs) upang isulong ang isang lugar ng trabaho na magkakaibang kasarian at napapabilang.

Maging sa lugar ng trabaho, sa tahanan, sa larangan ng palakasan, o sa kanilang mga komunidad, ipinagmamalaki ng Meralco na kilalanin at suportahan ang napakahalagang ambag ng mga kababaihan na nangunguna nang may sigasig, katatagan, at kahusayan—sa loob at labas ng kumpanya.

33

Related posts

Leave a Comment