PAGHAHANDA SA ‘THE BIG ONE’

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

Nakababahala ang tumamang lindol sa Myanmar nitong nakaraang linggo, na yumanig din sa mga karatig bansa kagaya ng Thailand at Vietnam, at ilang bahagi ng India, China, Cambodia at Laos. Base sa mga balita, mahigit 150 na ang naitalang patay at inaasahang tataas pa ito sa pagpapatuloy ng mga rescue operation.

Malawakang pinsala rin ang dinulot nito sa Bangkok – kung saan bumagsak din ang itinatayong skyscraper at pinangangambahang mayroon pang nasa 100 kataong na-trap dito. Kasama rin sa giniba ng lindol ang Ava Bridge sa Myanmar na itinayo 100 taon na ang nakalilipas.

Tumama ang lindol sa kahabaan ng Sagaing Fault sa Myanmar na matagal nang itinuturing na isa sa mga pinakamapanganib na fault sa mundo. Kasalukuyan pang mayroong digmaang sibil sa bansa kaya naging pagsubok din ang pagresponde sa emergency.

Bagama’t walang naitalang Pilipinong nasaktan dahil sa lindol, nagdulot pa rin ito ng pangamba pati na rin dito sa Pilipinas, na isang bansang nasa Pacific Ring of Fire sa paligid ng karagatang Pasipiko na maraming aktibong bulkan at fault lines. Dahil dito, hindi maiiwasan ang mga lindol sa ating bansa.

Ayon sa mga eksperto, maaaring tumama anomang oras sa bansa ang isang malakas na lindol na may magnitude na 7.2 o ang tinatawag na “The Big One” kaya pangamba ang dulot nitong tumamang 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar.

Ilang taon nang napag-uusapan, pero handa ba tayo kung tumama nga ang The Big One?

Mahalagang hakbang sa paghahanda dito ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa kung ano ang gagawin sa panahon ng lindol. Dapat matutunan ng bawat isa ang mga pangunahing hakbang tulad ng “Drop, Cover, and Hold On” kapag naramdaman ang pagyanig.

Marami sa atin ang hindi nakakaalam na ang mga pinakamahalagang sandali ng isang lindol ay ang mga unang segundo ng pagyanig—kung kaya’t hindi sapat na umasa lamang sa mga rescuer para tayo’y iligtas. Tungkulin nating tiyakin na ang ating mga tahanan at komunidad ay handa sa anomang oras.

Kailangan ding palakasin at gawing mas earthquake-proof ang mga imprastraktura kagaya ng mga kalsada, gusali, at pampublikong pasilidad. Maraming fault lines sa Metro Manila at ilang mga probinsya, kaya importanteng handa para rito ang gobyerno at pribadong sektor at kailangang pangunahan nila ang pagtitiyak na maipatutupad ang mahigpit na mga regulasyon para sa mga matibay at earthquake-resistant na konstruksyon.

Pero siyempre, lahat naman tayo’y maaapektuhan kaya mahalagang bawat isa sa atin ay makiisa sa paghahanda at dapat alam natin kung ano ang gagawin sa ganitong sakuna. Responsibilidad ng mga paaralan, barangay, at lokal na pamahalaan ang magsagawa ng regular na mga drill at seminar para ituro kung paano maghanda at mag-survive sa isang malakas na lindol. Importante ang mga earthquake drill kaya dapat seryosohin natin ang mga ito.

Dapat ding maglaan ng sapat na pondo ang gobyerno para sa emergency kits at iba pang kagamitan na kinakailangan sa oras ng kalamidad.

Isang aspeto pa na madalas nakalilimutan ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang emergency plan. Dapat magkaroon ng sariling plano kung paano magkikita-kita at magsasama-sama pagkatapos ng lindol ang mga miyembro ng kabahayan.

Sa kabila ng ating paghahanda, hindi natin kontrolado ang likas na kalamidad. Kaya’t nagsisilbing paalala ang nangyari sa Myanmar sa panganib na dulot ng lindol. Sana hindi mangyari, pero importanteng maghanda para ma-manage ang magiging epekto nito at masiguro ang kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay.

173

Related posts

Leave a Comment