MGA KATUTUBO, IPRAYORIDAD SA LIVELIHOOD PROJECTS

HINIMOK ni Senador Robin Padilla ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na bigyang prayoridad ang mga katutubo sa tulong pangkabuhayan upang hindi na sila magpabalik-balik na magbuwis-buhay sa Metro Manila para “mamasko” tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Sinabi ni Padilla na handa rin siyang makipag-ugnayan sa dalawang ahensya para matulungan ang mga katutubo.

“Tuwing dadating ang Kapaskuhan, nakikita po natin ang ating mga katutubo sa iba’t ibang kalsada kasama ang kanilang mga anak lalo ang mga kapatid kong Badjao… Kukunin sila, tapos ibabalik sa lugar nila, babalik din sila dito,” saad ni Padilla.

“Meron pong mga programa ang DSWD tulad ng livelihood program. Ito ang sa akin lang mapaglarong isip. Pwede po kaya na turuan na lang sila kung paano mamasko nang hindi delikado, parang gawin ba nating livelihood yan?” dagdag ng mambabatas.

Iginiit pa ng senador na napakasakit tingnan na parang pulubi ang itsura ng mga katutubong bumibiyahe sa Maynila tuwing Kapaskuhan para “mamasko” dahil sila ay “royal blood” natin at “tunay na may-ari ng Pilipinas.”

Tugon naman ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na may mga programa sila katulad ng Balik Probinsya at Kalahi-CIDSS para may pagkakakitaan ang mga katutubo pag uwi nila – na dapat gawin sa taong ito para hindi na sila babalik sa susunod na taon.

Ayon kay NCIP chairman Allen Capuyan, balak nilang gayahin ang programa ng Davao City government kung saan iniipon sa isang lugar ang mga katutubo para sa cultural presentation, at doon pupunta ang mga gusto tumulong na donors at sponsors.

Idinagdag pa ni Capuyan na nakikipag-ugnayan sila sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para turuan ang mga katutubo ng pagtahi ng damit. (Dang Samson-Garcia)

168

Related posts

Leave a Comment