MGA KORAP SA OPISINA NI MORENTE TIBA-TIBA P20-M KOLEKSYON ARAW-ARAW NI: NELSON S. BADILLA

NAIA-7

UMAABOT sa P20 milyon araw-araw ang nakukolekta ng mga korap na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) kung pagsasamahing lahat ang ibinibigay ng mga Chinese sa kanila upang ‘malayang’ makapasok sa bansa, sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Immigration Officer 1 Allison Chiong sa pagdinig sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senadora Ana Theresia “Riza” Hontiveros nitong Huwebes na umaabot sa 2,000 ang pumapasok na Intsik sa bansa gamit ang NAIA.

Ang impormasyon ni Chiong ay pagpapatibay at pagpapalakas sa ibinunyag ni Hontiveros ukol sa “pastillas operation” na P10,000 ang ‘padulas’ o ‘bayad’ ng bawat Intsik na dumadaan sa tanggapan ng BI sa NAIA.

Ang P10,000 na nakabalot sa nakarolyong puting papel, kaya nagmukhang pastillas, ay ‘ibinabato’ sa kuwarto ng BI sa NAIA.
Kaya, kung imumultiplay ang P10,000 sa 2,000 ay P20,000,000 ang sagot (P10,000 X 2,000 = P20,000,000).

Ani Chiong, ang BI opisyal sa NAIA 1 ay P20,000 ang tinatanggap kada linggo, samantalang ang nakadestino sa NAIA 3 ay P8,000 kada linggo.

Tiniyak ni Chiong na alam na alam niya ang korapsyon ng mga opisyal ng BI sa NAIA, sapagkat “As a frontline immigration officer, I have personally witnessed various illegal transactions over the years involving the extortion of money in exchange for unimpeded passage to the Philippines.”

Sabi pa niya, iba’t iba ang pangkat ng mga opisyal sa BI na malasindikato kung mag-isip at kumilos.

Ngunit, walang itinurong matataas na opisyal ng BI si “whistleblower” Chiong nang tanungin siya ni Honteveros kung nasa loob ng Senado ang mga opisyal ng BI na sangkot sa pastillas operation.

Kaya, hindi rin naitanong kay Chiong kung may parte sa P20 milyon ang matataas na opisyal ng BI na pinamumunuan ni Commissioner Jaime Morente o wala.

Si Morente, isang retiradong heneral mula sa Philippine National Police (PNP), ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa BI noong Hulyo 2017.

Sa inilabas na press statement ng kanyang tanggapan, idiniin ni Honteveros na “Sobrang garapalan na ang pastillas scheme. I want to emphasize: This is bigger than the frontline employees.”

Hahabulin ng kanyang komite ang “malalaking isda” sa pastillas scheme at sistematikong babaguhin ang napakakorap na BI, susog ng senadora.

FACE TO FACE
INAASAHANG magkaka-face-to-face sina Pangulong Rodrigo Roa  Duterte at  Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente sa gitna ng naungkat na bribery scandal sa ahensyang pinamumunuan ng huli.

Posibleng mangyari ang paghaharap ng dalawa sa susunod na cabinet meeting kung saan nais mismo ng Pangulo na malaman ang paraan ng pagpapatakbo ni Morente sa Immigration Bureau.

Ayon sa isang source, pinadadalo ng Pangulo ang BI chief sa cabinet meeting na posibleng gawin sa Lunes, Marso 2, 2020.

Sa naturang pulong ng mga miyembro ng gabinete ay inaasahang mismong si Morente ang magpiprisinta sa Chief Executive kung paano nito pinangangasiwaan ang BI at kung ano ang sitwasyon sa ahensiya kasunod ng nabuking na anomalya ng ilang mga kawani at opisyal nito.

Nauna nang sinibak sa pwesto ng Pangulo ang lahat ng mga nasangkot sa bribery scheme sa airport na tinaguriang ‘pastillas’ modus.

Sa gitna ng sibakan, siniguro ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi off the hook si Morente sa isyu ng “pastillas scheme”.

Kahit pa aniya makailang ulit purihin ni Pangulong Duterte si Morente ay mayroon naman itong pahayag na pambawi sa kanyang pagpuri.

Malinaw lamang aniya na susuriing mabuti ng Pangulo ang  performance ni Morente.

Istilo na aniya ni Pangulong Duterte na agad paimbestigahan ang isang opisyal ng pamahalaan na nasangkot sa kontrobersiya at kapag natimbang na mas fit o bagay ang isang opisyal sa ibang

posisyon ay saka niya ito sisibakin para ilipat sa ibang posisyon na tama sa credentials o kakayahan nito.

Sa kabilang dako, tiniyak din ni Sec. Panelo na hindi lamang hanggang kay Morente aabot ang imbestigasyon kundi maging sa iba pang opisyal at empleyado ng BI na sangkot sa ‘pastillas’ scheme. CHRISTIAN DALE

202

Related posts

Leave a Comment