MULA pa man noon, ang panahon ng Semana Santa ay itinuturing na panahon ng pagninilay para sa mga Kristiyano.
Bagamat muling ipagdiriwang ang Semana Santa sa ilalim ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR+, nananatili ang diwa nito sa aking puso.
Bahagi ng aking pagninilay kaugnay ng Pasko ng Pagkabuhay ang katotohanang hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa ukol sa pagharap sa pandemyang COVID-19.
Hindi maganda ang sitwasyon ng ating bansa ukol sa laban kontra COVID-19. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 kada araw.
Kamakailan ay pumalo na ang bilang na ito sa higit 15 libo, at nananatili sa bilang na mataas sa sampung libo ayon sa datos noong ika-3 ng Abril kung saan nakapagtala ng higit 12,500 na bagong kaso ng COVID-19.
Sa katunayan, nalampasan na ng Pilipinas ang bansang Indonesia sa Timog Silangang Asya bilang bansa sa rehiyon na may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19, ayon sa Worldometer.
Kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 kada araw, ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang desisyon ng pamahalaan na palawigin ng isa pang linggo ang ECQ na nakatakda sanang matapos ngayong ika-4 ng Abril. Ang ikalawang linggo ng ECQ ay magsisimula sa ika-5 ng Abril, 2021.
Bunsod ng mga pangyayaring ito, napakadaling paniwalaan na tila hindi na natin mapagtatagumpayan pa ang labang ito kontra sa pandemya. Sa kabila ng sunud-sunod na hindi magagandang balitang ito, pinipili kong panatilihin ang aking positibong pananaw sa sitwasyon.
Naniniwala ako na sa gitna ng krisis pang-kalusugan na kinakaharap ng ating bansa, mayroon pa ring pag-asa. Sa patuloy na pagdating ng mga dosis ng bakuna sa bansa, ang aking panalangin ngayong Semana Santa ay nawa’y magpatuloy ang pagdating ng mga ito, at maisagawa na ang malawakang pamamahagi nito sa buong bansa sa lalong madaling panahon, lalo na sa mga rehiyong natukoy bilang hotspots ng COVID-19 sa bansa.
Kung bakit ako nananatiling puno ng pag-asa, ito ay dahil sa isang personal na karanasan bilang residente ng lungsod ng Pasig.
Kapag nagpadala ka ng mensahe sa mga ahensya ng pamahalaan, karaniwang karanasan na ang hindi makatanggap ng kasagutan.
Kung makakuha ka man ng kasagutan, madalas ay hindi rin sapat ang impormasyon na iyong makukuha.
Ngunit iba ang lokal na pamahalaan ng Pasig. Mabilis ang pagsagot, tama at sapat ang impormasyong iyong makukuha kapag ikaw ay nagpadala ng mensahe sa kanila.
Dapat bigyan ng pagkilala si Pasig City Mayor Vico Sotto. Mahusay ang serbisyo at maayos ang pamamahala sa lungsod ng Pasig, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Tahimik, mahusay, at maayos ang sistemang ipinapatupad sa pamamahagi ng bakuna.
Hindi sila nag-iingay sa publiko ukol sa kanilang mga ginagawa. Sa katunayan, nagsimula na silang magpamahagi ng bakuna sa mga healthcare worker. Inuumpisahan na rin ang pagtukoy sa mga senior citizen, mga mamamayan na mayroong comorbidity, at mga mamamayang may kapansanan.
Nakakatulong din sa pagpapalakas ng kalooban ang balitang binigyan na ng pahintulot ng pamahalaan ang pribadong sektor na bumili ng sarili nitong bakuna. Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Secretary Galvez na pirmahan na ang mga dokumentong magbibigay ng pahintulot sa pribadong sektor na makapag-angkat ng bakuna mula sa ibang bansa.
Higit kailanman, ngayong panahon na ito kailangan magkaisa at magtulungan ang buong bansa.
Habang sinisikap ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang makakuha ng bakuna para sa mga Filipino, dapat ay maging disiplinado rin tayo bilang mga mamamayan. Manatili sa bahay upang makatulong sa pagkontrol ng pagkalat ng virus. Ating tandaan na sa tuwing tayo ay lumalabas ng ating mga tahanan ay inilalagay natin ang ating kaligtasan at kalusugan sa panganib ng exposure sa virus.
Huwag tayo mawalan ng pag-asa. Maniwala tayong kaya natin ito. Manalig tayo na hindi tayo pababayaan ng Panginoon.
