MGA PARAAN SA PAGKONTROL NG KONSUMO SA KURYENTE NGAYONG PANAHON NG PANDEMYA AT TAG-INIT

PATULOY ang pakikipaglaban ng bansa kontra COVID-19, at habang naghihintay ang lahat para sa mga dosis ng bakuna, patuloy ang pag-aaral at pagtatrabaho ng karamihan mula sa kani-kanilang tahanan. Bagamat nagkakaroon na ng bahagyang pagbaba sa bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw, hindi pa rin dapat makampante. Kung hindi naman mahalaga ang dahilan, iwasang lumabas ng bahay upang makaiwas sa tinatawag na “unnecessary exposure”.

Patuloy rin ang pagtaas ng temperatura ngayong panahon ng tag-init. Bunsod ng pananatili sa loob ng bahay upang makaiwas sa COVID-19, maaaring tumaas ang konsumo sa koryente. Dahil dito, hinihikayat ang mga konsyumer na ugaliin ang matalino at masinop na paggamit ng koryente.

Ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) at ang Manila Electric Company (MERALCO) ay nagsanib pwersa sa paghihikayat sa mga konsyumer na maging mas responsable sa paggamit ng ­koryente.

Ayon kay PHILRECA President at Party-List Representative Presley C. De Jesus, kasabay ng pagtutulak ng Department of ­Energy (DOE) ng adbokasiya ukol sa matalino at masinop na paggamit ng koryente, pinaiigting din ng asosasyon ang pamamahagi ng impormasyon ukol dito lalo na sa mga residensyal na konsyumer. Kung hindi man ito magresulta sa pagbaba ng bayarin sa koryente, ito ay tiyak na magreresulta sa pangkaraniwang antas ng bayarin sa koryente sa kabila ng panahon ng tag-init.

Ayon sa datos ng Meralco, karaniwang tumataas ang konsumo ng isang tahanan nang 10% hanggang 40% kumpara sa mga malalamig na buwan ng taon. Ito ay dahil sa epekto ng mataas na temperatura sa operasyon ng mga kagamitang de-koryente, at sa mas matagal na oras ng paggamit ng mga ito.

Ayon kay Meralco FVP and Chief Commercial Officer Ferdinand O. Geluz, nakadaragdag din sa mga dahilan ng pagtaas ng konsumo ang pagpapatupad ng mga community quarantine ngayong panahon ng pandemya. Maging ang pamamaraan ng pag-konsumo ng koryente ng mga konsyumer ay nagkaroon din ng bagong normal.

Pinaiigting ng Meralco ang pakikipag-ugnayan nito sa mga customer ukol sa pagtitipid sa konsumo sa pamamagitan ng ­paglulunsad ng kampanya nito ngayong panahon ng tag-init na tinawag nitong Bright Ideas. Sa ilalim ng naturang kampanya ay hinihikayat ang mga customer na gamitin ang Meralco Mobile App at ang AppCal o ang ­appliance ­calculator upang ma-kwenta ang kinokonsumong koryente ng bawat kagamitan nito. Ang lahat ng datos na matatagpuan sa nasabing app ay mula sa appliance testing facility ng Meralco, ang Power Lab.
Narito ang mga tip na ­maaaring subukan ng mga customer upang makatipid ng konsumo sa koryente ngayong panahon ng pandemya at tag-init.

Ugaliin ang regular na ­paglilinis ng aircon. Ang paglilinis ng aircon ng hindi bababa sa dalawang beses kada buwan ay makatutulong upang makatipid ng humigit kumulang P334 kada buwan para sa may 1hp window type aircon. Maaari ding makatipid ng P991 kada buwan kung ang 1hp window type aircon ay ilalagay sa katamtamang setting na 25C sa halip na 18C. Mahalaga rin ang pagpili ng tamang sukat ng ­aircon na akma sa laki ng kwarto o ­espasyong palalamigin nito.

Para naman sa mga ­refrigerator, mahalaga ang ­pag-­siguro na nakasara ng maayos ang pinto nito. Mas mahihirapan sa pagtatrabaho ang compressor ng refrigerator kung sumisingaw ang lamig nito. Ito ay magreresulta sa mas mataas na konsumo sa koryente. Iwasan din itong punuin.

Ukol naman sa bentilador, mainam kung pananatilihin itong malinis. Hindi dapat hayaang ­magkaroon ng makapal na alikabok ang blade at motor nito. Maaaring makatipid ng P5 kung susundin ang simpleng payong ito.

Ilan lamang ito sa mga tip na maaaring subukan ng mga ­konsyumer. Para sa kumpletong listahan nito, maaaring bumisita sa website ng Meralco sa www.meralco.com.ph at hanapin ang Bright Ideas. Ngayong panahon ng ­pandemya at tag-init, ­napakahalaga ng pagiging matalino at masinop sa paggamit ng koryente. Ipinaaalala ng Meralco na tayo, bilang mga konsyumer ng koryente, ay may kakayahang kontrolin ang ating konsumo upang maiayon ito sa ating badyet, at makaiwas sa bill shock.

197

Related posts

Leave a Comment