Mga residente ng Laiya, naghain ng petisyon para papasukin na ang Meralco

Naghain ng petisyon ang halos 2,000 residente at mga negosyante sa Laiya San Juan, Batangas sa Batangas II Electric Cooperative (BATELEC II) upang payagan ang Meralco na magbigay ng serbisyo ng kuryente sa kanilang lugar.

Ikinatwiran ng mga ito ang matagal nang paulit-ulit na problema sa suplay ng kuryente na nakaaapekto sa kabuhayan, negosyo, at sa turismo ng bayan.

Patunay ito sa matinding pagkadismaya ng mga residente sa kawalan ng maaasahang serbisyo ng kuryente dahil sa madalas na brownout na gumagambala sa pang-araw-araw na pamumuhay sa isa sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa Batangas.

Para sa marami sa Laiya, kung saan nakasalalay ang kita sa mga resort, hospitality industry, at maliliit na negosyo, ang hindi maayos na suplay ng kuryente ay hindi na lamang abala- isa na itong seryosong hadlang sa pag-unlad at kalidad ng buhay.

Isang survey ng Capstoe Intel ang nagpatunay nito- ayon sa data, 93 porsiyento ng mga consumer ng BATELEC II ay nakararanas ng paulit-ulit na pagkawala ng kuryente, na karaniwang tumatagal ng isa hanggang dalawang oras, at sa ilang kaso ay umaabot pa sa tatlong oras.

Ayon sa mga lumagda sa petisyon, ang matagal nang sitwasyong ito ay nagdulot ng mabigat na pasanin sa mga kabahayan at negosyo, naapektuhan ang mga estudyante, manggagawa, at maliliit na negosyante.

Anila, lalong nahihirapan ang pang-araw-araw na buhay at bumabagal ang pag-unlad ng komunidad dahil sa hindi maaasahang suplay ng kuryente.

Nasa sentro ng reklamo ang dalas ng hindi planado at matagal na brownout, na umano’y madalas nagaganap nang walang abiso. Ayon sa mga residente, naaantala nito ang trabaho, online classes, at mga pagkakakitaan na nagdudulot ng pagkalugi sa mga negosyante sa komunidad.

Isa pa sa hinaing ng mga petisyoner nasisira na ang kanilang mga appliance at kagamitan sa mga tahanan at establisyimento, kabilang ang mga refrigerator, electric fan, telebisyon, at iba pang mahahalagang gamit.

Higit pa sa teknikal na usapin, binatikos din sa petisyon ang umano’y mahinang customer service at kakulangan sa maintenance ng mga pasilidad, na sinasabing nagdudulot ng mas matagal at mas madalas na pagkawala ng kuryente.

Kinuwestiyon din ng mga residente ang kakayahan ng BATELEC II na tugunan ang tumataas na demand sa kuryente sa Laiya dulot ng paglaki ng populasyon at paglawak ng turismo.

Nagbabala ang mga residente na kung hindi mapapabuti ang serbisyo ng kuryente, maaaring manatiling limitado ang progreso ng ekonomiya ng Laiya kahit handa na ito para sa mas malaking pag-unlad sa turismo.

Sa kanilang apela, binigyang-diin ng mga petisyoner na ang hakbang na ito ay tinig ng nagkakaisang panawagan ng komunidad para sa mas maayos na serbisyo ng kuryente.

“Ang petisyong ito ay nagmumula sa aming komunidad, bilang patunay ng aming pagkakaisa at kolektibong panawagan para sa mas maayos na serbisyo ng kuryente,” ayon sa petisyon.

“Kami ay naniniwala na ang pagpasok ng Meralco sa aming barangay ay makatutulong upang magkaroon ng mas maaasahan, matatag, at de kalidad na serbisyong kuryente na mahalaga sa kaunlaran, kaligtasan, at pang-araw-araw na pamumuhay ng aming komunidad,” dagdag pa nito.

Ayon sa mga residente, ang pagpasok ng Meralco sa kanilang lugar ay maaaring makatulong sa pagbibigay ng maaasahang suplay ng kuryente na mahalaga upang mapanatili ang pag-unlad ng ekonomiya, masiguro ang kaligtasan ng publiko, at mapabuti ang kabuuang pamumuhay sa Laiya.

126

Related posts

Leave a Comment