Mga tanod walang kamalay-malay sa holdapan MGA KAWATAN SA CALOOCAN NAKATAKAS

ISANG patay na security guard at kahong may lamang mga bao ng niyog ang iniwan ng mga kawatang nangholdap sa isang delivery company sa Caloocan City.

Bago mag-12:00 ng madaling araw nitong Lunes, nahagip ng closed circuit television (CCTV) camera ng Barangay 135, na may dumating na dalawang motorsiklo sa binabantayang kumpanya ng hindi pa pinangalanang biktima, kung saan isa ang sakay ng unang motorsiklo at dalawa naman ang lulan ng ikalawa.

Kasunod nito, may dumating na isa pang lalaking naglalakad at lumapit din sa mga naunang dumating na motorsiklo at hindi nagtagal ay may dumating na ikatlong motorsiklo na may dalawang nakasakay.

Nabatid sa barangay na kinatok ng mga suspek ang kumpanya at nagkunwaring may ipade-deliver na gamit at sa sumunod na tagpo ay nagdeklara ng holdap, tumangay ng salapi at binaril ang gwardya na agad nitong ikinamatay, habang isa pang staff ang naiwan sa loob ng kumpanya.

Sa pagmamadaling makatakas ay muntik pang maiwan ang isang kawatan na sumakay sa ikatlong motorsiklo na paalis na rin.

Napag-alamang nagulat ang mga tanod sa nasabing biglaang pag-angkas, ngunit wala naman silang ideya na holdaper ang mga ito hanggang sa lumabas para humingi ng tulong ang staff na naiwan sa loob ng kumpanya matapos ang nasa 20 minuto.

Ipinapalagay ng mga barangay tanod na maaaring may kasabwat ang mga suspek sa loob ng kumpanya dahil alam ng mga ito ang oras na walang tao sa shop.

Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek at kung magkano ang perang kanilang nakulimbat. (ALAIN AJERO)

163

Related posts

Leave a Comment