MILITARY GOLF COURSES IMINUNGKAHING IBENTA

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas mula sa mababang kapulungan ng Kongreso na ibenta ang ilang military golf course upang makatulong sa paghahanap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pandagdag na pondo sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Inihayag ni Albay Congressman Edcel Lagman ang kanyang suhestiyon matapos banggitin ni Pangulong Duterte na ikinukonsidera niyang ibenta ang ilang assets ng pamahalaan
para may magamit sa kanilang mga hakbang sa pagtugon sa COVID crisis.Ani Lagman, nararapat magkaroon ng bidding para sa mga golf course tulad sa Camp Emilio Aguinaldo, Villamor Airbase at ang Veterans Memorial Medical Center na makasasapat sa karagdagang pondo.

Ayon kay Lagman, ang kanyang proposal ay naglalayong makalikom ang pamahalaan ng halos P1-Trillion.

Binanggit ni Lagman na tinatayang aabot sa 150 hectares ang kabuuan ng 3 golf courses na nabanggit at ang mga ito ay pawang nasa kategorya ng prime real estate na kung maibebenta ay napakalaking pondo na maipapasok sa gobyerno.

Magugunita na noong 1992, sinabi ni Lagman, na 240 ektarya ng Fort Bonifacio ang naisapribado, kabilang na ang 18-hole championship golf course, na maaring gawin din aniya sa kanyang rekomendasyon.

Pinahihintulutan aniya ang ganitong hakbang sa ilalim ng Republic Act No. 7227 na nagbibigay ng mandato sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na i- convert ang ilang bahagi ng military bases para magamit ng mga sibilyan. CESAR BARQUILLA

110

Related posts

Leave a Comment