MILLENIUM ERECTORS COMPANY INIREKLAMO SA AMIN

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HINDI lahat ng reklamo na aming hawak ay may kinalaman sa mga abandonado o nawawalang balikbayan boxes.

Isa na rito ay ang reklamo ng isang construction worker na si Mang Vicente Mamenta, 60-taong gulang, at tubong Misamis Oriental.

Aksidente lang ang pagkakakilala namin ni Mang Vicente nang ipaayos namin ang pintuan ng aming bahay nito lang nakaraang buwan.

Nagtanong si Mang Vicente sa inyong lingkod kung tama ba ang alok ng kanyang kumpanyang Millenium Erectors Company (MEC) na P50,000 na retirement pay sa mahigit na 22 years na serbisyo niya sa kumpanya.

Ang sagot ko po ay hindi at ito base sa aming kaalaman sa Labor Code. Hinawakan na po namin ang reklamo ni Mang Vicente at inilabas ito sa aking programa na may kapareho ring titulo at napakikinggan sa DZME 1530 khz, ilang linggo pa lang ang nakararaan.

Sa unang paghaharap sa opisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Malate, Manila, sinabi ng tumayong arbiter na dapat makuha ni Mang Vicente nang buo ang kanyang retirement pay na nagkakahalaga ng mahigit P300,000 base sa kalkulasyon nito.

Ikinatwiran naman ng taong ipinadala ng MEC na nagngangalang “ANDO” na opisyal ng naturang kumpanya, na wala raw employer-employee relationship sina Mang Vicente at ang MEC dahil project base sila.

Bilang katunayan ay may dala itong mga dokumento na pinapipirmahan daw sa mga tauhan nila kada gusali na kanilang ginagawa.

Pero teka, nalaman po namin sa aming imbestigasyon na illiterate o hindi marunong magbasa si Mang Vicente at marunong lang itong magsulat ng kanyang pangalan at pumirma.

Samakatuwid, walang saysay ang anomang dokumento na kanilang pinapipirmahan dito dahil hindi naman niya ito naiintindihan.

Tinanong namin si Mang Vicente kung bakit siya pumipirma gayong hindi niya naiintindihan ang kanyang pinipirmahan. Ang sagot nito ay dahil lahat ng kanyang kasama ay pumirma rin at ayaw niyang mawalan ng trabaho.

Itinaas ng Millenium Erectors Company (MEC) sa P100,000 ang alok nito matapos malaman na hawak na po namin ang reklamo.

Dinala na sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang reklamo matapos na ‘di pumayag si Mang Vicente sa alok ng kanyang kumpanya.

Susubaybayan po namin ang kasong ito upang masiguro na makukuha ni Mang Vicente ang hustisya.

2

Related posts

Leave a Comment