MMDA NAGLATAG NG TRASH TRAP SA ESTERO

UMAPELA si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa publiko na tigilan ang pagtatapon ng basura at dumi ng tao sa mga daanang tubig, estero at mga ilog.

Ang apela ay ginawa ni Chairman Abalos nitong Lunes habang naglalagay ng trash nets na haharang sa mga basura upang hindi makapasok sa MMDA pumping stations at maiwasan ang tuluyang pagkasira ng mga ito.

Personal na sinubaybayan ni Chairman Abalos ang paghahakot ng mga basura sa Estero Tripa de Gallina sa Brgy. Maricaban, Pasay City.

Aniya, nagmumula ang mga basura sa gawi ng Maynila at Taguig City.

Sa tala ng MMDA, dalawang truckload ng mga basura ang nahahakot sa naturang lugar kada araw habang abot naman sa 32 truck ng mga basura ang nakokolekta sa 57 pumping stations ng MMDA sa kabuuan ng Metro Manila.

“As we expect the volume of trash to increase because of the rains and inclement weather, we also plan to gradually install trash traps on all waterways such as canals and esteros to lessen the effect of flooding in Metro Manila,” sabi ni Chairman Abalos. (DAVE MEDINA)

575

Related posts

Leave a Comment