MOA SA TARIPA NG MGA IMPORTED CARS IKINASA

UPANG tiyakin ang pagpasok ng tamang buwis na angkop sa mga imported cars, lumagda sa isang kasunduan ang Bureau of Customs at Land Transportation Office para sa sistematikong datos ng mga pinagbayarang taripa ng mga umaangkat, bago pa man ito mairehistro.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement na nilagdaan nina Customs Commissioner Leonardo Guerrero at LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante, magpapalitan ng database ang mga nasabing ahensya tungkol sa buwis na ibinayad ng mga importers para sa mga sasakyang inangkat pa mula sa ibang bansa.

Paliwanag ni Guerrero, layon ng kanilang tanggapan tiyaking tanging mga sasakyang dumaan sa tamang proseso at nakapagbayad ng wastong taripa ang maaaring i-rehistro sa LTO.
Aniya, magkakaroon ng access ang Land Transportation Management System ng LTO sa mga datos ng mga pumapasok na sasakyan.

Sa isang joint statement, kinilala ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng inter-connected database upang maiwasan ang katiwalian sa bayaran ng buwis at maging sa mga record ng dalawang ahensya ng gobyerno.

Bukod sa sistematikong registration process, pinagtitibay din anila ng kanilang kasunduan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na pagpapasok ng mga imported cars sa bansa.

Bukod kina Guerrero at Galvante, dumalo din sa idinaos na virtual signing ang mga hepe ng iba’t ibang departamento ng mga nasabing ahensya.

Nagkasundo din ang BOC at LTO para sa isang direksyong tutulong sa pagpapatibay ng Republic Act No. 8792 (E-Commerce Law) at Republic Act No. 6539 (Anti-Carnapping Law), lalo pa’t
regular na magbibigay ulat ang BOC sa LTO hinggil sa mga pumapasok na sasakyan sa bansa.

Kabilang naman sa mga impormasyong ibabahagi ng BOC ang kanilang Cargo Clearance Process Systems and Electronic Certificate of Payments. Bilang tugon, ibabahagi naman ng LTO ang
kanilang LTMS na dinisenyo pa ng German technology provider na Dermalog.
Ayon sa LTO, ang kanilang LTMS ay may kakayahang i-proseso ang pagpaparehistro ng mga sasakyan, at maging ang proseso sa pagkuha ng driver’s licenses – nang walang agam-agam tungkol sa Data Privacy ACT.

168

Related posts

Leave a Comment