SA pagpapalakas ng testing capacity ng Taguig City, pormal na binuksan sa publiko ng city government ang sariling Molecular Laboratory sa presensya ng COVID 19 National Task Force sa isinagawang pulong kahapon ng umaga sa Lakeshore, Bgy. Lower Bicutan.
Sa Lakeshore complex din binuksan ang 70 kama para sa mga pasyente, bilang bahagi ng bubuksang 500-bed COVID-19 Lakeshore Mega Quarantine Facility sa Lower Bicutan, Taguig.
Sa sandaling makumpleto na ang 500-bed capacity Mega Quarantine Facility, magagarantiyahan na magiging maginhawa ang panunuluyan ng mga pasyente dahil sa pagkakaroon ng sapat na mga kama, partitions, air-conditioning, banyo at CR, at maging ng sala.
Magkakaroon din ng mga mesa para sa konsultasyon ng pasyente sa doktor, samantalang mga RoboNurse ang magbibigay ng pagkain sa mga pasyente para maiwasan ang pagkakahawahan.
“Agressive po kami sa pag-tests kaya mababa ang aming positive. Nagiging maganda po ang resulta ng aming mga programa dahil we listen to science, to doctors, at maging sa aming mga brgy. leaders.
Pero gusto ko pong pasalamatan ang mga lungsod ng Parañaque at Pasay without them hindi namin magagawa ito, dahil noong nag-uumpisa po kami noong Marso ay sila ang gumabay at tumulong sa amin,” sabi ni Taguig City Mayor Lino Cayetano.
Tila napahanga naman si Sec. Carlito Galvez Jr., chief Implementor ng COVID 19 National Task Force, dahil napakaganda ng lugar ng Lakeshore Mega Quarantine Facility na angkop aniya sa pagpapagaling ng COVID patients. (DAVE MEDINA)
