AYUDA SA MGA GURO PINABIBILISAN

PINATITIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na agad maipamamahagi ang cash assistance sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa senador, ang naturang ayuda para sa mga guro at non-teaching personnel ay bahagi ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 kaya’t dapat itong matanggap ng mga guro.

“Pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga guro. Ito ang pinakamakabuluhang paraan upang ipagdiwang ang National Teachers’ Month na magpapatuloy hanggang sa ika-5 ng Oktubre, ang petsa ng World Teacher’s Day at opisyal na pagbubukas ng klase ngayong taon,” aniya pa.

Ayon sa mambabatas, dapat bigyang prayoridad ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga guro upang masiguro ang matagumpay na pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19.

Dapat aniyang natututukan at natutugunan ang pagpapagamot ng mga guro, lalo na kung nagpositibo sila sa COVID-19.

Bagama’t hindi saklaw ng 2020 budget ang pagpapagamot ng COVID-19, tiniyak naman ng Department of Education (DepEd) na makatatanggap ng mga benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga guro tulad ng ibang mga kawani ng pamahalaan.

Mahalaga ani Gatchalian na maisapinal na ang mga ugnayang ito bago magsimula ang klase at maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga guro pag nagsimula na silang mamahagi ng self-learning modules. (NOEL ABUEL)

171

Related posts

Leave a Comment