MARAMI na sana ang natuwa sa announcement ni Presidential Spokesperson Harry Roque kamakailan na papayagan na raw ang mag-angkas sa single motorcycle.
Lalo na ang mga asawa, live-in partner o mag-jowa na kailangang ihatid o iangkas ng kanilang mga darling sa trabaho o sa pamimili sa palengke.
Masaya na nga raw sana sila dahil pinayagan na silang mag-angkas lalo na ngayong taghirap ang pampublikong transportasyon. Ang motorsiklo sana ay malaking tulong.
Pero, bigla silang nalungkot nang biglang sabihin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano na hindi maaaring payagang mag-angkas ang motorcycle single kung walang harang (barrier) sa pagitan ng aangkas at driver nito.
Kailangan daw lagyan ng harang ang pagitan ng driver at backrider para maipatupad ang physical distancing para maiwasan ang hawaan ang COVID-19.
Bigla tuloy nadismaya ang libu-libong motorcycle riders sa buong bansa.
Ito lang daw ang transportasyon ng mahihirap na kaya nilang i-provide dahil ito lang ang kaya ng kanilang budget.
Lalo na ngayon na marami sa lahi ni Juan ay walang trabaho dahil naapektuhan ng pendemyang dulot ng COVID-19.
Gamit din ng mga magpapartner ang motorcycle single sa kanilang paghahanap buhay tulad ng delivery ng online business, pagtitinda ng kung anu-ano para lang may pagkunan ng pagkain para sa kanilang mga anak.
Hirap na nga daw sila sa gastusin ngayon ay dinagdagan pa ang kanilang gastusin para sa pagpapagawa ng harang (barrier) ng kanilang motorcycle single.
Ayon naman sa ilang eksperto na nakausap ng PUNA, hindi lang gastos ang problema ng mga nagmomotor sa harang na pinalalagay kundi pagmumulan din ito ng disgrasya.
Pag tinamaan daw ng malakas na hangin ang motor na may barrier ay mawawalan ito ng panimbang hanggang sumemplang ito.
Walang nagsabi sa kanila na makakabuti ito sa mga nagmomotor.
Tutal nakahelmet at naka-face mask naman daw ang mga nagmomotor, bakit kailangan pa lagyan ng barrier sa pagitan ng aangkas at driver nito?
Maging si Retired Col. Bonifacio Bosita, founder ng Riders Safety Advocates of the Philippines (RSAP), isang grupo ng mga nagmomotor ay hindi rin sang-ayon na lagyan ng harang sa pagitan ng driver at angkas nito.
Ganun din ang sabi niya, pagmumulan nga daw ito ng disgrasya ng riders at sakay nito. Hindi kasi alam ng mga nagpanukala kung gaano kahirap magmaneho ng motor na single.
Lalo na sa mga flyover na malalakas ang tama ng hangin sa mga nagmomotor.
Sabi tuloy ng riders community sa mga nagsasabing lagyan ng barrier ang motorcycle single na subukan muna nila magmotor para malaman nila kung anong epekto ng kanilang mga sinasabi.
Mismo ang mga eksperto na ang nasabing delikado ang barrier na kanilang pinalalagay pero gusto pa rin nilang ituloy.
Dati ngang walang kung anu-anong nakalagay sa mga motorcycle single ay maraming naitatalang disgrasya lalo pa ngayon na may siguradong pagmumulan nito.
Tanong tuloy ng riders community, bakit lagi raw silang pinag-iinitan ng mga opisyal ng gobyerno?
“Mula sa mga riding-in-tandem criminals hanggang ngayon na may COVID-19 kami pa rin ang piniperwisyo”, tanong nila.
Tanong naman ng PUNA sa gustong magpatupad ng barrier na ito sa motorsiklo, kung yun bang motorcycle units ng PNP, traffic enforcers at iba pang nasa gobyerno na may angkas ay dapat ding may harang (barrier) ang kanilang motor?
Kung magpapatupad daw kasi ng panuntunan hindi lang sa mga sibilyan kundi para sa lahat at walang exempted.
Sana pag-aralan muna ng gobyerno ang sinasabi ng mga eksperto sa motor na mapanganib ang gusto nilang ipinalalagay na barrier.
Pakinggan din nila ang hinaing ng riders community, maging si Pangulong Duterte alam din niya kung gaano kalakas ang impact ng hangin pag nakamotor siya.
Para sa kaalaman po ng ating mga kababayan si Pangulong Duterte po ay mahilig din sa motorcycle single lalo na ang big bike.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.
