MVIS IPABUBUSISI RIN SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE

IREREKOMENDA ni Senador Grace Poe ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa naunsyaming operasyon ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) na pinayagan ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni Poe na sa ilalabas na committee report ng Senate Committee on Public Services, kukuwestyunin ang delegasyon ng DOTr ng motor vehicle testing sa private entities.

“Iyong magiging recommendation namin unang-una ay kung meron ba talagang legal na batayan iyong privatization ng MVIS (Motor Vehicle Inspection System). Ito ba ay naayon sa private emission testing centers under the Clean Air Act.  Kailangan pag-aralan nang mabuti ng Kongreso at ayusin at linawin ang batas,” saad ni Poe.

“Magrerekomenda rin kami na ang Senate blue ribbon committee ay dapat imbestigahan ang mga transaksyon na kaduda-duda dito sa mga Private Motor Vehicle Inspection Centers, kung sino ba sila at para payagan na walang bidding—ito ay maanomalya sa simula pa lamang,” paliwanag ng senador.

Sa naging pagdinig ng Senado, kinuwestyon ni Poe at ng ilang senador ang kautusan ng DOTr na isalang sa testing sa mga private center ang mga sasakyan bago ang rehistro.

Nangangahulugan ito ng dagdag na P1,500 sa kanilang babayaran sa rehistro na para kay Poe ay hindi napapanahon sa gitna ng pandemya.

“Kasama sa trabaho namin ‘yung pagtingin sa legalidad ng batas, kung ang isang ahensya ba ay sumusunod dito o hindi,” diin ni POe.

“Katanungan din dito kung papaano niyo nabigyan ng lisensya ang isang kumpanya para mag-operate nito?” dagdag nito.

“Sabihin na natin na maayos naman ang mga taong ito, bakit hindi idinaan sa tamang bidding? Hindi pa rin legal ang pagpili sa kanila, kaya ‘yun ang nagiging problema,” diin pa ni Poe. (DANG SAMSON-GARCIA)

80

Related posts

Leave a Comment