INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 18-anyos na lalaki nang maaktuhang armado ng improvised shotgun o sumpak matapos manghamon ng away sa kalsada sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ang suspek na si Joren Mesa, ng Barangay 105, District 1, Tondo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and ammunitions at alarm and scandal.
Ayon sa ulat ng District Police Intelligence Operation Unit (MPD-DPIOU), bandang alas-11 nang maispatan si Mesa na nagwawala sa Road 10, Barangay 101 sa tapat ng Katuparan, Vitas, Tondo.
Naghahamon ng away sa mga dumaraan si Mesa kung kaya’t kaagad siyang kinuwelyuhan ng mga tauhan ni P/Capt. Jervies Soriano, hepe ng DPIOU.
Subalit kumawala ang suspek kaya’t nagkaroon pa ng habulan at nang maaresto, nabawi mula kay Mesa ang isang sumpak na may mga bala. Rene Cristostomo
