Nagkaisa: Trabaho at P1-T pondong bubuhay sa ekonomiya MASAMANG BUHAY NG MGA PINOY

Ni NELSON S. BADILLA

MAGANDA ang ekonomiya ng Pilipinas nang magsimula sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Mahigit anim na porsiyento ang sukat ng gross domestic product (GDP) ng bansa, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Malapit ito sa GDP ng China na siyang nangunguna sa Asya.

Hindi kuntento si Duterte

HINDI kuntento si Pangulong Duterte sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa dahil hindi raw ito umabot sa malalayong lalawigan.

Gusto ni Duterte na maging ang mga residente sa malalayong lalawigan ay maging bahagi ng maunlad at angat na ekonomiya.

Ito ang sinasabi niya noong nangangampanya pa lamang siya sa pagkapangulo noong halalang 2016 na “patas na hatian” ng yaman ng bansa.

Kaya, inilunsad ni Duterte ang programang “Build, Build, Build” (BBB) upang maitayo ang mga kinakailangang tulay at malalaking kalsadang daraanan ng mga produkto mula Metro Manila
patungong mga lalawigan at mula sa mga lalawigan patungong Metro Manila.

Sinabi ng pangulo sa Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang kinakailangang pera para mapabilis ang pagkilos ng BBB.

Binanggit din niya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang pagpapatayo ng mga tulay, kalsada at mga flyover.

Kumilos naman ang DBM at DPWH.

8 sa 10 Pinoy, sumama ang buhay

MAHIGIT apat na taon na si Pangulong Duterte sa anim na taon niyang termino, ngunit hindi nakamit ang hangad niya sa mga Filipino na nakatira sa mga lalawigan.

Katunayan, hindi lang mga probinsiyano ang bumagsak ang buhay sa nakalipas na isang taon, kundi halos lahat ng mga Filipino ay magkakapareho ang sinapit na masamang buhay.

Ayon sa pinakabagong sarbey ng Social Weather Stations (SWS), walo sa 10 Filipino ay sumama ang buhay nitong nakalipas na isang taon.

Batay sa mobile phone survey ng SWS nitong Hulyo 3 hanggang 6, umabot sa 79 porsiyento sa mga Filipino ang naniniwalang bumagsak ang kalidad ng kanilang buhay sa nakalipas na isang taon.

Ang tawag ng SWS sa kanila ay “losers” sa buhay.

Ayon sa SWS, nasa kabuuang 1,555 katao na edad 18 pataas sa buong bansa ang lumahok sa sarbey.

Ayon kay Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), ang mabigyan ng magandang buhay ang mga Filipino kumpara sa nakaraang rehimen ay isa sa mga ipinangako ni
Duterte noong kinukumbinsi niya ang mga botante na ihalal siyang pangulo ng bansa noong 2016.

Ipinaalala ni Fortaleza ang pangako ni Duterte na bawas kahirapan sa 14%, o mas mababa pa, mula sa 21% noong 2016.

“Maraming nabigo sa pangako [ni Duterte,] kaya naging pessimistic ang mga tao,” bigwas ni Fortaleza.

“[Tapos,] maraming palpak sa pandemic response [ng pamahalaan,] kaya lalong sumama ang pananaw ng masa sa kalidad ng kanilang buhay,” patuloy ng beteranong lider-manggagawa.
Sa parehong SWS survey, walong porsiyento lang ang “nakatikim” ng magandang buhay.

Umabot naman sa 12% ang mga Filipino na naniniwalang parehas pa rin ang kanilang buhay kumpara sa nakalipas na isang taon.

Ibig sabihin, walang nagbago.

Babangon ang ekonomiya

INILABAS ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Secretary Harry Roque Jr. ang retorika ng pamahalaan na babangon ang ekonomiya sa mga susunod na buwan.

Batay sa inilatag ng NEDA, inihayag ni Roque na programang buong bansa ang makikinabang ang patatakbuhin ng pamahalaan.

“We will implement Recharge PH within 2020 and into 2021 and will be incorporated in the Updated Philippine Development Plan 2017-2022,” pahayag ng tagapagsalita.

Tinukoy ni Roque na itinuloy na ng DPWH ang mga proyekto ng BBB upang gumalaw ang ekonomiya.

Nabibigyan ng mga trabaho ang maraming construction worker sa mga proyekto ng BBB.

Umaasa rin si Roque na makababalik sa kanya-kanyang trabaho ang milyun-milyong manggagawa na hindi nakapagtrabaho nitong Hulyo.

Ayon sa SWS, 37.3 milyon ang nawalang trabaho (joblessness) nitong Hulyo na 45.5 porsiyento ang katumbas sa kabuuan.

Noong Disyembre ng nakalipas na taon, pumalo na sa 7.9 milyon ang mga trabahong nawala, banggit pa rin ng SWS.

Hindi ito kinuwestyon ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Solusyonan ang kawalan ng trabaho – Matula

WALANG dudang napakalaking suliranin ng kawalan ng trabaho sa bansa.

Kung walang trabaho, walang kikitain ang mga manggagawa na siyang pinakamarami sa bansa.

Kung walang kita, walang perang pambili ang milyun-milyong manggagawa ng kanilang pangangailangan araw-araw at mga bayarin bawat buwan (kuryente, tubig, internet at iba pa).

Nababahala ang Nagkaisa Labor Coalition, ang pinakamalaking alyansa ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa sa buong bansa, dahil wala itong makitang malinaw na plano ng
administrasyong Duterte upang magkaroon ng trabaho ang mga manggagawa.

Tanong ng Nagkaisa chairman na si Atty. Jose Sonny Matula: “Is unemployment problem a lesser priority than face shields and the vaccine?”

Diniretso ni Matula ang puntong ito dahil kumbinsido ang Nagkaisa na: “Clearly it is not an agenda for the Inter-Agency Task Force (IATF) that was more focused on rolling out health and quarantine policies.”

Hindi maipagkakaila ng kahit sinong Filipino na simula nang itatag ang IATF ay hindi nito naging paksa ang problema sa trabaho kahit lumabas noong Abril ang balitang mahigit pitong milyong
manggagawa ang nawalan ng trabaho sa unang kwarter ng 2020.

Kahit pahaging man lamang ay hindi rin sumagi sa isipan ng mga heneral, politiko at negosyanteng bahagi ng IATF ang problema sa trabaho.

Malaki ang papel na ginagampanan ng IATF ngayong nahaharap ang bansa sa coronavirus 2019 (COVID 19) dahil ito ang nag-uugnay ng mga ideya, desisyon at aksyon ng iba’t ibang ahensiya
tungkol sa nasabing sakit at ekonomiya ng bansa.

Idiniin ni Matula na naninindigan ang uring manggagawa na “after five months of lousy pandemic response, … it as urgent if not equally important to have a full government response to the
escalating unemployment problem.”

Ang kahulugan ng “full government response” para sa Nagkaisa ay pagbibigay ng pamahalaan ng buong atensiyon upang maresolba ang problema tungkol sa malaganap na kawalan ng trabaho.

Sa eksakto, ang gustong mangyari ng Nagkaisa, ayon kay Matula, ay maglabas ang administrasyong Duterte ng  “plans of action to stop the unemployment bloodbath. And for plans of action we seek for an elaborate employment program, which include a massive public employment programs aimed not only at saving a dying economy but also at providing guaranteed jobs and income to
millions of Filipinos who are sinking deeper into poverty.”

Saan aabot ang P140-B o P160-B?

AYON sa NEDA, bumaba sa negatibong 16.25 porsiyento ang GDP ng bansa nitong ikalawang kwarter ng 2020.

Nangangahulugang bumagsak ang ekonomiya mula sa negatibong 0.2% noong unang kwarter ng taon.

Napakalayo niyan sa projection ng NEDA na higit 6% pagpasok ng 2020.

Batay sa kalagayang ito, tinatapos ng mga kinatawang mambabatas sa Bicameral Conference Committee (Bicam) mula Senado at Kamara de Representantes ang mungkahing Bayanihan to Heal
as One, ang Bayanihan 2, upang maresolba ang magkaibang bersiyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ang inilagay ng Senado ay P140 bilyong ayuda ang ilalabas ng pamahalaan upang tustusan ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor sa bansa.

Itinaas sa P160 bilyon ang ipinasok ng Kamara.

Kahit itong P160 bilyon pa ang sundin ng Bicam, “Hindi kaya ng badyet na ito na i-stimulate ang patay na ekonomiya. Ang kailangan na stimulus ay hindi bababa sa isang trilyon,” birada ni
Fortaleza.

Naniniwala ang PM, sampu ng iba pang samahan ng mga manggagawa sa Nagkaisa, na hindi makababangon ang ekonomiya ng bansa kung ganyang din lang halaga ang ilalabas ng
pamahalaan.

“This Bayanihan 2, with its measly budget of P162 – B budget, will neither stimulate a shattered economy nor heal an ailing nation,” pahayag ng Nagkaisa sa kalatas nito noong Agosto 6.

Idiniin ng pinamalawak na alyansa ng mga manggagawa na ang matinding krisis sa ekonomiya ay nangangailangan ng “bigger stimulus and a secured, healthy labor force to prevent an ultimate
collapse.”

Ayon sa Nagkaisa, hindi dapat bumaba sa isang trilyon ang halaga ng “[economic] stimulus [package] is needed immediately to prevent further collapse of key economic sectors; including our
micro, small and medium enterprises (MSMEs) which employ majority of our labor force; and to avoid millions of working people regressing back or sinking deeper into extreme poverty.”

210

Related posts

Leave a Comment