NAGPAPUTOK NG ‘PLA-PLA’ SA CONDO, INARESTO

NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang condominium unit caretaker sa Makati City makaraang mahulihan ng ilegal droga at baril matapos magpaputok ng ‘pla-pla’ noong Sabado gabi.

Kinilala ang suspek na si Cyril De Guzman, caretaker sa 28th L Tower 2 ng Park Terraces Condominium West St., Brgy. San Lorenzo, Makati City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang arestuhin ang suspek ng security officer na si Elizalde Santos ng Mega Force Security, sa Park Terraces Condominium dahil sa pagpapaputok ng pla-pla.

Nakita umano ng operator ng closed circuit television na si Rowena Penmejo na may sinindihang bagay na pumutok ang suspek sa Unit 47A Tower II, Park Terraces Condominium.

Kagya’t ipinagbigay-alam ng CCTV operator sa security officer na si Santos ang pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nang kapkapan ni Santos si De Guzman, nakuha sa suspek ang .3 gramo ng shabu na may presyong P2,040; isang .45 ACP caliber pistol; 1 magazine; 10 live ammunitions ng kalibre .45 baril at isang paputok na pla-pla.

Ang suspek na dinala sa SIDMS Makati City Police dakong alas-2:45 umaga noong Linggo ay sinampahan ng kasong paglabag sa Revised Penal Code Art 115 (alarm and scandal), Sec. 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act). (DAVE MEDINA)

272

Related posts

Leave a Comment