QUEZON – Gutom ang nagtulak upang bumaba mula sa kabundukan at mangikil ng pagkain ang mga rebeldeng miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga residente ng Barangay Llavac, sa bayan ng Real sa lalawigang ito.
Nakasagupa ng 1st Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division ang grupo ng Platun Laguna-Quezon ng Main Regional Guerilla Unit ng Southern Tagalog Regional Party Committee na NPA noong Linggo sa Sitio Lalawinan.
Ito ay makaraang isumbong ng isang residente ang pangingikil ng mga rebelde sa mga naninirahan sa nabanggit na lugar.
Makaraan ang 10-minutong palitan ng putok, tumakas ang mga rebelde dala ang sugatan nilang mga kasamahan habang wala namang nasugatan sa mga tropa ng gobyerno.
Naiwan ng mga rebelde sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang M16 rifle, isang 9mm pistol at isang anti-personnel landmine.
Sinabi ni Major General Rowen Tolentino, commander ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, “Sa taong nagbigay po ng impormasyon, nagpapasalamat po ako sa inyo nang lubos. Sa iba po nating mga kababayan, humihingi po kami sa inyo ng tulong para tuluyan na nating masugpo ang mga teroristang NPA. Ang laban pong ito’y hindi lamang ng inyong kasundaluhan kundi laban po ng buong sambayanang Pilipino”.
Ang pakikipaglaban umano sa mga rebelde ay malapit nang matapos dahil sa pakikipagtulungan ng mga residente sa gobyerno. (CYRILL QUILO)
702 