INAYUNAN ng ekonomistang mambabatas na si Albay Rep. Joey Salceda ang Moody’s Analytics na nasa ‘worrisome state” na ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa paglobo ng inflation rate, paglala ng pandemya sa COVID-19 at limitadong supply ng COVID-19 vaccines.
“We’re in a global crisis. Of course, things are worrisome,” ani Salceda dahil hindi lingid sa lahat na nagtala ng 4.7 % inflation rate noong Pebrero mula sa 4.2% noong Enero.
Isinisi ito ng mambabatas sa kakulangan ng supply ng karneng baboy na labis umanong nakaapekto sa iba pang pangunahing bilihin subalit ginagawan na aniya ito ng paraan para maibalik sa normal ang hog industry.
Aminado rin ng mambabatas na labis nakaapekto sa ekonomiya ng bansa ang paglala pa ng COVID-19 pandemic at kakulangan ng supply ng bakuna dahil hanggang ngayon ay mga donasyon pa lamang ang ginagamit ng bansa.
“In short, we are still in a crisis. Things are naturally worrisome. There are things beyond our control, but there are also policy and governance solutions,” ayon pa sa mambabatas.
Gayunman, nagawa na aniya ng Kongreso ang kanilang trabaho nang ipasa ng mga ito ang Vaccination Program Act para masiguro na mabakunahan ang may 70 milyong Pilipino sa lalong madaling panahon.
“It’s true that government can do better with COVID-19 response,” ayon pa sa mambabatas subalit marami ang dismayado dahil hanggang ngayon ay wala pa ang mga bakunang ipinangutang na ng gobyerno.
Dahil dito, kailangan aniyang magtulungan ang lahat upang maisalba ang ekonomiya ng bansa sa lalong pagkakalugmok dahil sa mga nabanggit na problema. (BERNARD TAGUINOD)
