NABUNYAG na naman ang isa pang ‘kalokohan’ sa Bureau of Immigration (BI) na tungkol naman sa abogado umano ng ahensiya na “foreign students” ang pinagkakakitaan.
Ang diskarte naman dito ay mayroong taong nagpapakilalang abogado na empleyado ng BI na mag-aalok ng “tulong” sa mga dayuhang estudyante na gustong makarating sa Pilipinas.
Ang paraan umano ng paghihikayat ng nagpapakilalang abogado ng BI ay sa pamamagitan ng internet.
Mayroon ding kapalit na malaking halaga, ngunit hindi nabanggit kung magkano ang singil ng nagpakilalang abogado ng BI.
Kinumpirma ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing katiwalian at korapsyon sa BI.
Ngunit, tiniyak ni Morente na hindi pinahihintulutan ng BI ang nasabing panloloko sa mga dayuhan.
Aniya, pinaiimbestigahan na niya ang umano’y bagong krimeng nagaganap sa BI base sa reklamong natanggap ng ahensiya nitong unang linggo ng buwan.
Iniimbestigahan din sa Senado ang BI patungkol naman sa sindikato umano ng human trafficking.
Sa inisyal na pagsisiyasat sa Senado, ilan sa opisyal at empleyado ng BI na kinasuhan sa korapsyon tungkol sa pangingikil sa mga Chinese ng P10,000 bawat isa kapag walang visa upon arrival (VUA) na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay pasok din sa sindikato ng human trafficking.
Sa nakalipas na mahigit dalawang taon, P50,000 ang bayad ng bawat babaeng patungo sa ibang bansa nang walang suliranin sa mga dokumento, kabilang na ang pasaporte.
Inamin ni Morente na 28 BI officers ang posibleng sagkot sa korapsyon tungkol sa human trafficking.
Aniya, mayroon nang 44 na mga babae ang nabiktima ng nasabing sindikato.
Inihayag ni Morente sa Senado na ipinag-utos na rin niya ang sariling imbestigasyon ng BI hinggil sa human trafficking.
Inilabas ng BADILLA Ngayon nitong Marso 26 na dating opisyal ng BI ang lider ng sindikato ng human trafficking at itinago ito sa alyas na “REM”.
Ayon sa source ng BADILLA Ngayon, mahigit nang dalawang taong wala sa BI si REM.
Ngunit, si REM pa rin ang nagsisilbing ‘utak’ ng sindikato ng human trafficking sa BI at ang REM din na ito ang nagmamando ng operasyon ng human trafficking sa loob mismo ng BI kahit na matagal na siyang wala, sapagkat empleyado pa rin ng BI ang kanyang mga galamay. (NELSON S. BADILLA)
171
