INIHAYAG ni Senador Panfilo Lacson na bukod sa sistematiko ang pangungurakot sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), may core group ang mga ito kaya kahit magpalit ngpresidente at chief executive officer (CEO) ay hindi sila nagagalaw kaya patuloy ang pagnanakaw sa kaban ng ahensiya.
Sa panayam, sinabi ni Lacson na may mga pumasok na dokumento at sagot sa naimbitahan ng Senate committee of the whole na nagpapakitang may malaking problema at malaganap angcorruption sa PhilHealth.
Aniya, ang masama pa rito, kahit sa gitna ng pandemya ay hindi talaga natigil. “Unabated ang corruption. Parang hindi pinatawad ang health crisis na nangyayari sa ating bansa.”
“Isa lang ang puwedeng logical conclusion pagka-ganoon. Systemic at may core group na maski magpalit ng liderato, nariyan ang core group na mangangasiwa at nakakaalam ng corruption,” ayonkay Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na ang masama, kung papasok ang bagong president at bagong appoint na board members, kung ma co-opt sila ng sindikato sa loob, walang pagbabago.
“Mabuti na lamang sa situation ngayon si BM Cabading umalma. At si Atty Keith, job order ng anti- fraud, pati si Col Laborte, HEA, ito mga di makatiis nagsalita, di na raw nila masikmura kaya sila lumabas,” paliwanag ni Lacson.
Ayon kay Lacson, kailangan talagang magkaroon ng drastikong remedial measure na gagawin sa PhilHealth bukod sa structural na isasabatas ng Senado.
“Kasi systemic ang hinaharap na corruption dito. Pero hanggang walang nakikita ang nasa loob na makukulong, talagang hindi madadala. Kaya nilang lusutan eh,” paliwanag ni Lacson.
“Sa WellMed hanggang ngayon pending pa, nasa Ombudsman pa rin. Di ba dapat after 1 year dapat nasa Sandiganbayan na sana o may resolution na ang kaso? Systematic din ang mga, of course may due process na sinusunod. Unfortunately ang due process … talaga eh, talagang pagkatagal-tagal na nakaratay,” ayon sa senador.
Pinanigan din ni Lacson ang natuklasan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na aabot sa P153-P154 bilyon ang ninakaw sa ahensiya simula pa noong 2013.
“Napakalaki. Sabi ng PACC estimate mula 2013, P153-154B, mantakin mo,” giit ni Lacson.
“Parang sinong maunang mapagod, parang ganoon. E sila, sige mag-imbestiga kayo nang mag- imbestiga makakalimutan yan after 1 month. Kami tuloy lang kami siguro mag-lie low lang kami 2 buwan.
Pag nakalimutan ng tao, eto na naman kami,” dagdag pa niya patungkol sa miyembro ng sindikato. (ESTONG REYES)
