DUMULOG sa AKOOFW si Lourdes dela Cruz na nakakulong sa deportation jail ng Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa ipinadala niyang mensahe sa aking telepono, labing isang buwan na siyang nakakulong sa nasabing kulungan.
Ngunit, bago pa man siya madala sa deportation center jail (jawasat), isang taon at pitong buwan siyang nakulong sa Malaz jail.
Ayon kay Lourdes: “Ako po ay humihingi ng tulong sa inyo na matulungan kaming mailapit at makahingi ng tulong sa ating pamahalaan para sa mga katulad ko na may money claims dito po sa jawazat”.
Idinagdag din ni Lourdes na ang kanyang kahilingan na mapadalhan siya at ang kanyang mga kasamahan sa kulungan ng personal hygiene kits.
Ayon sa kanya: ” Ganu’n din po sana ang mga pangangailangan namin. Personal hygiene kit at kaunting pagkain dahil hindi po sapat ang pagkain namin dito at hindi po libre ang aming gamit pang personal. Para po sa katulad ko na matagal ng nakakulong napakahirap po maghanap ng mapagkukunan ng pangtustos sa pangangailangan”.
Labis-labis ang pakiusap ni Lourdes na matulungan siyang maiparating ang kanyang kalagayan sa Philippine Embassy upang siya ay mabigyan ng abogado para sa mabilis niyang pag-uwi sa Pilipinas.
Ang pakiusap na ito ni Lourdes ay agad nating ipinarating kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer Racquel Kunting at ating itinagubilin na makapagpadala agad ng mga hinihiling na personal hygien kit at mga pagkain.
Samantala, masaya kong ibalita sa lahat ng mga kabayani na pormal na nating inilundas ang AKOOFW Kusina ng Bayan Mobile Kitchen nitong Hulyo 31.
Dinaluhan ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Asta Pimentel-Naik ang pormal na “Dedication Cere-monies” ng nasabing mobile kitchen.
Kasama rin sa mga dumalo sina Coco Naik, Alden Estolas, Reynald Santos, Cesar Gervacio, Efren Cadiz at Marcia Gonzalez-Sadicon.
Layunin ng AKOOFW Kusina ng Bayan Mobile Kitchen na makapaghatid ng mga bagong lutong pagkain sa mga lugar na mangangailangan nito.
Kabilang sa mga pupuntahan ng AKOOFW Kusina ng Bayan ang mga evacuation center na may mga biktima ng sunog, baha at iba pang kalamidad.
Sa panahon ng ECQ, susubukin din nitong makatulong sa local government units (LGUs) na maghatid ng mga pagkain sa mismong mga tahanan ng mga apektadong pamilya.
KUNG mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address: saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
