NAKIISA SA TRASLACION 2025 MAS DUMAMI

(JOCELYN DOMENDEN)

TUMAAS ang bilang ng mga sumama sa prusisyon ng Poong Hesus Nazareno sa unang mga oras kumpara sa nakaraang taon lalo na sa Quirino Grandstand at Quiapo.

Ngayong taon, umabot sa 220,000 ang naitalang deboto sa Quirino Grandstand na mas mataas sa nagdaang taon.

Matapos ang Misa Mayor ng alas-5 hanggang alas-6 ng umaga, nasa 77,000 deboto naman ang sumunod sa Andas habang ang malaking grupo ng deboto ay nagtungo na sa Quiapo Church.

Ilang deboto rin ang hindi na nagawang makalapit pa sa Quirino Grandstand at minabuting maghintay na lamang sa kalsada partikular sa kahabaan ng Katigbak road, Finance road at Maria Orosa dahil sa dami ng mga tao.

Ang Nazareno Command Center ay nakapagtala rin ng 11,5000 deboto sa Quiapo Church habang 80,000 sa Luneta.

Sa kabila ng mas malaking crowd, tiniyak ng otoridad na ang mga lugar ay nanatiling ligtas sa lahat ng sumama sa Traslacion.

Sa pagtaas ng bilang ng mga dumalo, may mga idinagdag na hakbang para sa crowd control at tulong medikal upang pamahalaan ang daloy ng mga deboto.

Sumampa Pa Rin

Bagamat may mga pagpapabuti na ginawa ang pamunuan ng Quiapo sa Andas ay nagawa pa rin ng mga deboto na karamihan ay mga kabataan na makasampa at makapagpunas ng bimpo kay Poong Hesus Nazareno na nakalagay sa Andas na may sunroof.

Alas-4:41 ng umaga nitong Huwebes nang opisyal na magsimula ang Traslacion sa Quirino Grandstand.

Sa bahagi ng Katigbak Street kanto ng Roxas Boulevard, tumagal ang usad ng Andas nang salubungin na ito ng mga nag-aabang na deboto.

Pagdating naman sa Finance Road, kanya-kanyang agawan na ng lubid ang mga deboto na tinatawag na “mamasan” bilang kanilang mga panata sa Nazareno.

Pagsapit sa Ayala Boulevard, muling tumagal bago ito umusad lalo pa’t naputol ang isang lubid nito na kinokontrol ng mga deboto para gumalaw ang Andas.

Ilang beses na tinangkang itulak ng mga grupo ng deboto ang andas upang umabante ngunit parati itong sumasadsad at napupunta sa gutter.

Nagmistula namang dagat na umaalon sa dami ng mga sumamang deboto sa Traslacion sa kagustuhang makalapit at mahawakan at mapunasan ang Andas.

Daan-daan Nasaktan

Maraming deboto rin ang naipit at nasaktan sa biglaang pagbuhos ng mga tao na gustong makibahagi sa aktibidad.

Sa datos, halos 500 na ang naitalang sinaklolohan ng Philippine Red Cross (PRC) matapos maipit, mahirapang huminga, mahilo, at magtamo ng mga sugat dahil sa siksikan.

Bagamat pinayuhan ng Quiapo Church na huwag nang sumampa sa Andas ang mga deboto ngunit hindi pa rin napigilan lalo na ang mga kabataan.

May ilang babae rin na marahas na umakyat sa andas at hindi alintana ang peligro na maaari nilang kahinatnan.

Sa huling datos ng mga awtoridad, mahigit kalahating milyon na ang naitalang mga deboto na sumama sa Traslacion habang isinusulat ang balitang ito ay asahan pang aabutin ng milyon ang

bubuhos sa ilang kilometrong prusisyon ng Poong Hesus Nazareno bago ito makabalik sa kanyang dambana.

Bandang alas-9 ng umaga nang maitala ang 550,000 na crowd estimate ngunit unti-unti rin itong nababawasan dahil kumakalas na ang ilang mga deboto.

Pagpapakumbaba
Sa ‘Umuusig’ – VP Sara

Sa kanyang pahayag naman bilang pakikiisa sa Traslacion 2025, ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na isang debosyon ang Pista ng Jesus Nazareno upang ipakita ng mga mananampalataya ang “pagpapakumbaba, kabaitan, at kahabagan” para sa kanilang kapwa at maging sa mga “umuusig” sa kanila.

“Today, we celebrate the Feast of the Black Nazarene with solemn reverence and gratitude for God’s enduring love for us.”

“The Black Nazarene is a manifestation that we will never face the challenges that come our way alone – because God is constantly guiding us, walking with us, and carrying the cross for us on the way to salvation,” ani Duterte.

“Let us all continue to pray for healing, wisdom, and guidance as we renew our faith in prayer and contemplation of our mission as God’s children. Let us also continue to pray for our nation and for our fellow Filipinos, especially those who are in need, the sick, and the dying,” saad pa niya.

Mensahe Ng Pagkakaisa
At Pagkakaibigan – PBBM

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang Pista ng Itim na Nazareno ang testamento ng “pagkakaisa at pagkakaibigan” ng mga Pilipino.

Sa mensahe ng Chief Executive, sinabi nito na ang pagbubuhat sa imahe ng Poong Hesus Nazareno at Kanyang krusipiho ay pagpapaalala sa lahat ng “the great sacrifice our Lord and Savior went through in His life.”

”This colossal gathering of Filipinos in the streets of Manila is a testament to our people’s solidarity and camaraderie,” dagdag na wika nito.

Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na harapin at mapagtagumpayan ang mga hamon na isang pagsubok sa kanilang pananampalataya at mabuting kalooban at abutin ang mga taong nangangailangan ng kanilang kabaitan at pakikiramay sa gitna ng pagdiriwang ng nasabing Kapistahan. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

114

Related posts

Leave a Comment