INARESTO at ikinulong ang isang pulis ng Manila Police District makaraang magbunot ng baril at takutin ang mga kabataang lumabag sa curfew sa Tondo, Manila.
Depensa ng pulis ni P/Cpl. Medel Biluan, nakatalaga sa Intelligence Section ng MPD – Station 2, nakulitan siya sa mga kabataan.
“Hindi ko naman itinutok ‘yung service firearm ko, hawak-hawak ko lang kasi ang kukulit nila nakita na nila ako pero hindi nila ako pinapansin,” aniya.
Nang makarating ang ulat kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang insidente ay agad na dinisarmahan ang pulis at ikinustodiya ng kanyang opisyal habang iniimbestigahan ang kaso.
“Nakarating sa aking kaalaman ang reklamo laban sa isang pulis na si Biluan na inakusahang nagbunot ng baril upang piliting sumunod ang ilang kabataan na lumalabag sa curfew sa kanilang lugar sa Tondo, pahayag ni P/Gen. Eleazar.
Ang nasabing pulis ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Kapag nagpositibo sa imbestigasyon, bukod sa kasong kriminal, mahaharap din ang nasabing pulis sa kasong administratibo (grave misconduct). (RENE CRISOSTOMO)
284 