NANGHAHARANG NG MGA TAO SA NOVALICHES INIREKLAMO

MARAMING nagreklamo sa PUNA mula sa mga papasok sa kani-kanilang mga trabaho hinggil sa panghaharang ng ilang sibilyan sa Novaliches, Quezon City kahapon ng umaga.

Batay sa natanggap ­nating reklamo dakong alas-7 ng umaga ang ginawang panghaharang ng mga tao. Binanggit sa atin ng mga ­nagreklamo na nangyari ito sa may stop light sa kanto ng Susano Road at Quirino Highway, Gen. Luis at Austria streets sa Brgy. Novaliches Proper.

Lahat daw ng mga papasok sa kani-kanilang mga trabaho na dumaan sa lugar ay hindi pinapayagang makatawid nang hindi nagpapakita ng mga hinihingi ng mga nagpapatupad ng panghaharang.

Kabilang sa mga ­hinihingi ng mga nanghaharang na may suot na kulay asul ay quarantine pass, working permit at company ID.

Lahat ng mga walang naipakitang ganitong hinihingi ay pinauwi na lamang.

Wala naman daw kasamang mga pulis ang mga nanghaharang. Hindi lang daw mga papasok sa kani-kanilang mga trabaho ang pinigilan kundi maging ang mga mamamalengke sa Novaliches ay naharang din.

Alam natin na ang ginagawang paghihigpit sa lugar ay para maiwasan ang patuloy na pagdami ng hawaan ng Delta variant.

Pero dapat tiyakin din ng mga nagpapatupad nito na hindi maaapektuhan ang mga nagtatrabaho o naghahanapbuhay.

Hindi lahat ng populasyon ng bansa ay kayang suportahan ng gobyerno, kaya dapat tiyakin n’yo na hindi maaapektuhan ang mga nagtatrabaho o naghahanap­buhay ng inyong paghihigpit sa minimum health standards.

‘Yan kasing hinarangan n’yong kalye ay daanan ‘yan ng libu-libong residente na nagmumula sa North Calooc­an partikular mula sa Bagong Silang, Camarin, Deparo at Bagumbong.

Kaya marami silang na-perwisyo na gustong ­maghanapbuhay, araw pa naman ng Lunes kahapon na unang araw ng buong isang linggo.

Matatandaan nating ipina­-tupad ang paghihigpit dahil muling isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila at iba pang lugar noong nakaraang Agusto 6 na tatagal ng hanggang 20.

Nagtataka lang ang PUNA kung bakit kahapon lang nagkaroon ng ganitong paghihigpit sa Novaliches area?

May basbas ba ito mula sa Local Government Unit ng Quezon City?

Hindi tutol ang PUNA sa ginagawang paghihigpit sa lugar kaya lang magkaroon tayo ng konsiderasyon sa mga tao, lalo na ang mga pupunta sa trabaho para sa kanilang ikabubuhay.

Kung wala namang mahalagang pupuntahan ang inyong masisita dapat lang na harangin n’yo.

Pero kung kabuhayan naman nila ang kanilang pupuntahan ay ‘wag n’yo silang harangin.

Hindi naman kasi lahat ng mga Pinoy ay naaabot ng ayuda ng gobyerno at hindi rin sasapat ‘yan para sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.

Pwede namang magpatupad ng minimum health standards, kasabay ng pagbibigay ng konsiderasyon sa mga naghahanapbuhay.

Kung haharangin n’yo lahat ang mga tao, natural walang maghahanda ng mga pagkain, walang mabibiling gamot, walang magtitinda, at iba pa. May mabibili pa ba tayong pagkain? Paano na ang ekonomiya ng bansa? ‘Di ba babagsak?

Habang isinusulat natin ang kolum na ito ay inaalam pa natin kung mula sa Task Force Disiplina ng Quezon City ang mga nangharang
sa mga tao kahapon para makuha natin ang kanilang panig.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel#0919-259-59-07.

266

Related posts

Leave a Comment