NANGUPIT NA KAHERA BUKING SA CCTV

CAVITE – Kung noong una ay umubra, nabuking sa pangalawang pagkakataon ang modus operandi ng isang 19-anyos na kahera na umano’y nabudol siya ng tinatayang P15,000 ngunit kinontra ito ng kanyang mga ikinilos na nakita sa footage ng Close Circuit Television (CCTV)  na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa bayan ng Naic sa lalawigang ito.

Sinampahan ng kasong qualified theft ang suspek na si Maria Veronica Herbolingo, may live-in partner at residente ng B8, L15, Belmont Homes, Brgy. Halang, Naic Cavite, dahil sa reklamo ng kanyang amo na si Mercedes Famoso, 40, ng #003 Brgy. Tanauan, Trece road, Tanza Cavite.

Sa ulat ni PSSgt. Rodrigo Veloso III ng Naic Municipal Police Station, nakatanggap ng text si Famoso dakong alas-5:55 Sabado ng hapon mula sa kanyang kahera sa kanilang tindahan ng bigas sa Naic Public Market sa Naic, Cavite, na umano’y nabiktima siya ng budol-budol ng isang ‘di kilalang babae.

Sa kuwento ni Herbolingo sa ‘na-hipnotize” umano siya ng isang ‘di kilalang babae at natangayan siya ng tinatayang P15,000 cash at dahil dito ay agad na sumugod si Famoso sa kanyang tindahan.

Ngunit imbes na agad maniwala sa kuwento ng kanyang kahera, ni-rebyu nito ang CCTV na nakakabit sa kanyang tindahan at dito ay nagduda kaya nirepaso niya ang lahat ang mga resibo at napansin na may mga maling entry ang suspek na nagkakahalaga ng P15,000 cash.

“Nung ni-rebyu ng may-ari ng tindahan ang CCTV, napansin niya na nagpabalik-balik lang ang umano’y customer  at wala namang napansin na inabot na bugkos ng pera pero tatlong beses na tila may inabot na pera ang kahera” ayon kay Veloso.

Dahil dito, ipinaaresto ni Famoso si Herbolingo na inaming hindi totoong nabudol siya.

Ayon kay Veloso,  noong October 14, 2019 ay tumangay si Herbolingo ng P14,000 cash ngunit pinatawad ng among si Famoso.

Naging kahera si Herbolingo sa biktima matapos na ipasok ng kanilang pahinante na kalaunan ay naging boyfriend nito. (SIGFRED  ADSUARA)

 

199

Related posts

Leave a Comment