NAPATAY NA 2 AKTIBISTA SA ALBAY, IPINASISIYASAT

IPINASISIYASAT ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang hinggil sa pamamaril ng dalawang pulis na ikinamatay ng dalawang aktibista na nag-spray paint sa pader ng kanilang protest slogan sa Albay.

Ayon sa ulat, kinilala ng grupong Defend Bicol ang mga biktimang sina Jemar Palero, 22, at Marlon Naperi, 38, na nakasagupa umano ng mga elemento ng Albay Police sa Barangay Lower Bonigsacan sa Guinobatan, noong Lunes ng umaga.

Ayon sa police report, armado umano ang mga aktibista at pinaputukan ang mga pulis naging dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Kaugnay nito, umapela si P/Gen. Eleazar sa publiko na hayaan muna ang nagpapatuloy na imbestigasyon bago gumawa ng ano mang konklusyon sa insidente.

“Upang maalis ang mga haka-haka at alegasyon tungkol sa pagkamatay ng dalawa umanong aktibista sa Albay, inatasan ko na ang Internal Affairs Service, sa pamumuno ni Inspector General Alfegar Triambulo, na tutukan at pabilisin ang isinasagawang imbestigasyon upang bigyan ng linaw kung ano ba talaga ang nangyari dito,” wika ni P/Gen. Eleazar.

Dagdag niya, “Inatasan ko na rin si Director PRO5, Police Brig.

Gen. Jonnel Estomo na ilagay under restrictive custody ang mga pulis na kasama sa pangyayaring ito habang isinasagawa ang imbestigasyon.”

Kabilang sa sinasabing kasama sa operasyon ang pinagsanib na pwersa ng 1st Albay PMFC; Guinobatan MPS; CIDG Albay PFU; RMFB5; RIU5; Albay PIU; 93rd SAC SAF; RSOU5; at maging ang mga kawani ng 97TH MICO PA; 49TH 1B, 9th ID, Philippine Army, at 2nd Albay PMFC.

Hinimok din ng PNP chief ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng espekulasyon hanggang sa lumabas na ang pinal na ulat at rekomendasyon hinggil dito.

“Makakaasa ang ating mga kababayan ng patas at malalimang imbestigasyon tungkol sa kasong ito, so in the meantime, hayaan nating umusad ang isinasagawang pagsisiyasat sa seryosong alegasyon tungkol dito,” ayon kay P/Gen. Eleazar.

“Nananawagan din tayo sa mga nakasaksi o may nalalaman sa insidente na makipagtulungan sa mga imbestigador para mabigyang-linaw ang kasong ito,” wika pang PNP chief. (JESSE KABEL)

 

206

Related posts

Leave a Comment