10 DHVSU EXTENSION CAMPUS GAGAWING REGULAR CAMPUS NG SENADO

ISINUSULONG ngayon ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang isang panukalang batas na naglalayong gawin nang regular campus ang 10 extension campus ng Don Honorio Ventura State University na nakakalat sa lalawigan ng Pampanga.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Lapid na layunin ng Senate Bill No. 1862 na gawin nang regular campus ang extension campus ng naturang pamantasan sa munisipyo ng Sto. Tomas, Porac,
Lubao, Candabas, Apalit, Mexico, Sta. Rita, Floridadblanca, Guagua at Sasmuan sa lalawigan ng Pampanga.

“Gusto kong ipahiwatig sa lahat na malapit sa puso ko ang DHVSU na sa taon ng panunungkulan ko bilang lingkod bayan ay itinaguyod ko ito at huli nga rito ay ang pagtutulungan natin kasama ang DPWH na maipatayo ang isang gusali sa Porac Extension Campus ng DHVSU,” ayon kay Lapid.

Sinabi ni Lapid na layunin ng Senate Bill No. 1862, ay ma-convert na itong extension campus sa Porac at maging regular campus na ng DHVSU, kasama na ang mga extension campuses sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Pampanga, gaya ng extension campuses sa Sto. Tomas, Lubao, Candaba, Apalit, Mexico, Sta. Rita, Floridablanca, Guagua at Sasmuan.

“Malaking tulong para sa mga Kapampangan itong pagkakaroon ng mga pamantasang institusyon sa aming lalawigan, kasama na ang mamamayan ng mga karatig na lalawigan,” ayon kay Lapid.

“Sa pamamagitan ng campuses na ito, mas napapalapit sa mga tao ang mga serbisyo ng de-kalidad at murang edukasyon. Katulad na lamang sa Porac Extension Campus, may mga kababayang Aetas tayong naka-enroll dyan na naghahangad na makapagtapos ng pag-aaral,”giit ng senador.

Sinabi ni Lapid na sa kasalukuyan, ang mga lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng pondo para sa pagpapatakbo ng mga extension campuses na ito mula sa imprastruktura, suweldo ng guro at iba pang gastusin ng paaralan.

“Napakalaki ng sakop ng mga institusyong ito, hindi lang mamamayan ng lalawigan kundi pati na rin ang mga karatig lalawigan. Parami nang parami taon-taon ang pumapasok sa mga ito para makapag-aral at balang araw ay makapagtapos,” aniya. (ESTONG REYES)

116

Related posts

Leave a Comment