Gobyerno kumambyo sa pork price cap, child car back seats PAHIRAP SA PUBLIKO PINARA

(BERNARD TAGUINOD)

KUMAMBYO ang pamahalaan sa pagpapatupad sa mga bagong itinakdang polisiya matapos itong umani ng negatibong reaksyon sa publiko.

Ang Republic Act Number 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act ay hindi muna ipatutupad ng Land Transportation Office sa susunod na anim na buwan kaya walang munang huhulihin sa mga hindi susunod dito.

Ayon kay LTO Law Enforcement Deputy Director Roberto Valera, walang huli at hindi rin bibigyan ng violation ticket ang mga drayber habang inaayos pa ng LTO ang inspection protocols.

Pagtutuunan din aniya ng pansin ng LTO ang pagbibigay ng sapat na edukasyon sa mga drayber.

Ang nasabing batas ay nag-oobliga sa paggamit ng car seats para sa mga batang 12-anyos pababa.

Gayunman, hindi ito nagustuhan ng nakararaming motorista lalo pa ngayong panahon ng pandemya na dagdag anila sa pahirap sa mamamayan na kapos na nga sa kabuhayan ay daragdagan pa ang gastusin.

Kinuwestyon din nila ang silbi ng nasabing batas ngayong bawal pang lumabas ang mga bata dahil sa pag-iingat sa COVID-19.

Bilang tugon, pinara sa mababang kapulungan ng Kongreso ang implementasyon sa ilang probisyon sa Republic Act (RA) 11229.

Sa House Resolution (HR) 1533 na inihain ni Bohol Rep. Alexie Besas Tutor, iginiit nito na suspendihin ang Section 4, 5 at 10 sa nasabing batas dahil nasa gitna pa ng pandemya ang bansa at hindi pa pinapayagan ang mga bata na lumabas ng bahay.

Nakasaad sa Section 4 ng nasabing batas ang Mandatory Use of Child Restraint System in Motor Vehicles o paglalagay ng special seat sa mga batang edad 12 pababa habang sa Section 5 ay ipinagbabawal na maupo sa front seat ang mga paslit.

Nakasulat naman sa Section 10 ng nasabing batas ang multang mula P1,000 sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag at pagsuspinde sa lisensya ng driver.

Ayon kay kay Tutor, bukod sa hindi pa nakalalabas ang mga menor de edad dahil pandemya, marami na aniyang batas na ginawa para maiwasan ang mga sakuna sa mga lansangan.

Kabilang dito ang Seat Belts Use Act of 1999 (Republic Act No. 8750); Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015 (Republic Act 10666); Motorcycle Helmet Act of 2009 (Republic Act No. 10054);
Anti-Distracted Driving Act of 2016 (Republic Act 10913) at Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 (Republic Act No. 10586).

Bukod dito, mas marami umano ang namamatay sa motorsiklo kesa sa mga pribadong sasakyan base sa Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) noong 2019 mula sa datos noong 2018.

Nabatid sa mambabatas base sa MMARAS, 235 ang namatay sa motorsiklo mula sa 35,006 naitalang aksidente; 80 sa pribadong sasakyan sa 118,522 aksidente; 40 sa Public Utility Jeepney (PUJ mula sa 10,296 aksidente at 25 naman ang nasawi sa 10,841 aksidente na kinasasangkutan ng mga Public Utility Bus (PUB).

Kasabay nito, inatasan din ni Tutor ang Department of Trade and Industry (DTI) na obligahin ang lahat ng motor vehicle importers, manufacturers, assemblers, distributors, dealership na isama ang child safety and road safety systems and devices sa mga ibinibentang sasakyan upang hindi na mapagastos pa ang publiko sa pagbili ng mga special seat para sa kabataan.

FACE MASK
SA SOLO DRIVER

Sa kabilang banda, ilalatag ni Cabinet secretary Karlo Alexei Nograles sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang usapin hinggil sa pagsusuot ng face mask kahit nag-iisa ang driver sa sasakyan.

Ito ay upang matukoy kung may nagagawang paglabag ang isang pribadong motorista kahit nag-iisa lang siya sa kanyang sasakyan at walang suot na face mask.

Sa harap na rin ito ng kalituhan sa implementasyon ng nasabing health protocol kasunod ng napabalitang pagkakahuli sa isang motorista sa NLEX na natiketan ng paglabag sa reckless driving dahil
sa pagmamaneho nang walang face mask gayung solo lang naman ito sa kanyang sasakyan.

Ayon kay CabSec Nograles, makabubuting idulog na sa IATF ang isyu upang maiwasan na ang magkakaibang interpretasyon tungkol dito.

Base sa pahayag noon ni DOTr Asst. Secretary Goddess Libiran, hindi applicable ang no face mask, no travel policy kung mag- isa lang naman sa sasakyan ang motorista.

Base sa nasabing polisiya, may P2,000 multa ang mga lalabag na motorista sa pribadong sasakyan, habang P5,000 naman sa mga nasa public transportation.

PRICE CAP
PINIGIL

Samantala, ipinatigil din ni Agriculture Secretary William Dar ang pagpapatupad ng Executive Order 124 (EO 124) ilang oras makaraang iisyu ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagpalag ng mga tindero at tindera ng baboy at manok.

Ayon kay Dar, sa Pebrero 8 na lang sisimulan ang pagpapatupad ng EO 124 upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga manininda sa presyong itinakda ni Duterte.

Sa National Capital Region (NCR) lamang ang sakop ng EO 124 na tatagal ng 60 araw.

Iniutos ni Dar ang pag-antala sa implementasyon ng EO 124 makaraang makarating sa kanyang tanggapan ang reklamo ng mga negosyante ng baboy at manok na wala na silang kikitain dahil sobrang baba ng price cap na iniutos ni Duterte.

Itinakda sa P300 ang kada kilo ng karneng baboy na itinakda ng EO 124.

Matatandaang si Dar mismo ang humiling kay Duterte na maglabas ito ng EO upang patigilin ang mga negosyante sa walang tigil na pagpapataas nila ng presyo ng baboy at manok.

Noong Oktubre, naglabas si Dar ng Administrative Order (AO) upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy, ngunit patuloy pa rin itong sumirit hanggang umabot ito sa P450 kada kilo
nitong Enero.

Hinagupit ng mga manininda sa kalakhang Maynila ang itinakdang price cap at ang iba ay nagbanta ng posibleng pork holiday sakaling ipilit ito.
Ayon sa mga vendor sa Trabajo Market sa Sampaloc, Paco Market at Quinta Market na pawang nasa Maynila, hindi nila kaya ang itinakdang price ceiling ng karneng baboy at manok.

Giit ng mga ito, hindi lang ang palengke ang dapat tutukan sa pagpapatupad ng price ceiling kundi maging sa farm grower at trader.
Paliwanag nila, bumaba na ang presyo ng baboy kumpara noong mga nakalipas na araw pero umaabot pa rin ng 300 pesos kada kilo ng baboy ang puhunan nila habang 160 pesos naman sa manok.

Maging ang mga vendor sa Pasig Mega Market ay umaaray sa price ceiling na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Sakaling ipatupad anila ang EO 124 ay mapipilitan ang marami sa kanila na magsara o huminto muna sa pagtitinda dahil nasa P290 hanggang P300 ang kanilang puhunan kaya wala na silang kikitain.

Para naman sa mga vendor sa Muñoz Market, nagbabala ang mga ito na maaaring humantong sa pork holiday ang pagpapatupad ng price ceiling.
Imposible anilang ibenta nila sa itinakdang halaga ang karne ng baboy at manok dahil halos puhunan na nila ito.

Mas mabuti na anilang magsara sila kaysa magbayad pa ng multa sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) dahil sa hindi pagsunod sa price ceiling.
Kasabay nito, umapela ang mga manininda na masusing pag-aralan ang isyu ng pagtaas ng presyo ng mga karne ng baboy at manok at nararapat din anilang alamin ng pamahalaan ang dahilan nito. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)

62

Related posts

Leave a Comment