SINIBAK sa pwesto ang sampung tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at pinatawan ng suspensyon matapos mabisto na pinagkakakitaan nila ang recruits na sumasailalim sa mga pagsasanay.
Kinumpirma ni Philippine Coast Guard spokesman, Rear Admiral Armand Balilo, na sampung tauhan nila mula sa isang Regional Training Center ang sinuspinde dahil sa mga sumbong ng katiwalian at pagsingil ng hindi awtorisadong fees sa mga recruit.
Habang ang ilan sa mga kasamahan nila mula sa hindi tinukoy na training center ay pansamantalang inilipat sa ibang units.
Reklamo ng mga recruit, sinisingil sila ng overpriced na gamit at equipment kahit pa may inilaang pondo ang gobyerno para sa kanila, dahilan upang mabaon umano sa utang ang ilang trainees.
Sinasabing maging ang kanilang ATM cards ay pinipigil ng ilang opisyal para tiyaking awtomatikong makaltas at masingil ang ibinebenta sa kanilang mga kagamitan.
Nilinaw ni Balilo na libre ang pagsasanay ng mga recruit habang may nakalaan na P43,000 bawat isang recruit para sa mga kakailanganin nila sa training.
(JESSE KABEL RUIZ)
142