(NI KIKO CUETO)
INILABAS na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementing rules and regulations (IRR) sa batas na naglalayong ibigay sa mga empleyado ang 100% na service charge na ipinatutupad sa isang establisimiyento.
Sa ilalim ng IRR ng Republic Act 11360 ang service charge na makokolekta ay hahatiin sa lahat ng empleyado maliban sa mga managers.
Pero nilinaw ni DOLE Undersecretary Ana Dione na ang ibibigay na parte o bahagi ng kita mula sa service charge ay nakadepende sa oras at araw at bilang ng pasok ng empleyado.
“Equal ang distribution mo but technically hindi pare-pareho. Dahil kung may nag-absent doon or kulang ‘yung hours niya, siyempre kokonti din ‘yung makuha niyan,” sinabi ni Dione.
“The very essence kasi nito is service. Service meaning in terms of hours that you serve or in terms of number of hours that you serve. So if you’re absent, then definitely, you did not serve,” dagdag nito.
Ibibigay ang service charges na kita kada 2 linggo, ayon sa batas.
Ipauubaya na sa mga kumpanya kung ibibigay din ang mga tips na iiwan kahit na may service charge.
Ang mga employees ay nakakatanggap dati ng hanggang 85% ng service charge habang 15% ay sa employer dahil sa mga nasisirang gamit umano.
“Dito sa ating guidelines, kapag ka may breakage o may loss, kung sino ‘yung may kasalanan doon, babayaran niya at ‘yun ay ide-deduct sa suweldo niya at hindi dito sa service charge,” sinabi ni Dione.
147