MAHIGIT 60,000 ang nasa drug watchlist ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Aaron Aquino at posible umanong tumaas pa ang bilang ng mga personalidad na kinabibilangan ng mga hukom, artista, piskal at politikong nasa hawak nilang watchlist kaugnay sa iligal na droga.
Maingat umano ang ginagawang balidasyon sa mga listahan at ilalabas ito kapag positibo na ang kanyang ahensiya. Hindi rin umano sila mangingiming ibunyag ang pangalan ng mga nasa listahan upang maihinto na ang kanilang bisyo.
Aminado si Aquino na napakahirap mag-validate dahil ang kalalabas na listahan ng 46 narco-politicians ay inabot sila ng mahigit isang taon sa beripikasyon ng mga intelligence information.
Ang mga artista umanong nasa listahan ay cocaine ang ginagamit at kung pagbabasehan umano ang kanyang image sa telebisyon ay malayong mapaniwala mo sila sa kanilang bisyo.
Ang mga hukom naman umano ay mga nagbabasura ng mga drug cases kaya halos walang umuusad na kasong kanilang isinasampa sa korte.
243