(NI BERNARD TAGUINOD)
HINAHANAP na ng mga militanteng grupo ang may 2.2 milyong metric tons na bigas na iniangkat simula noong Marso hanggang Hulyo 2019 dahil hindi umano naibaba ito sa mga karaning consumers.
Sa forum na inorganisa ng Gabriela party-list group, ngayong Miyerkoles sa Kamara, sinabi ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na simula nang ipatupad ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law ay umaabot na sa 2.2 Million metric tons ang iniangkat ng mga local rice importers.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na tila nawawala ito base aniya ng presyo ng bigas ngayon sa merkado kung saan naglalaro sa P35 kada kilo gayung dapat P30 na lamang ito.
“Dapat P30 per kilo na lang ang presyuhan ng bigas pero P35 pataas pa rin ang presyo,” ani Casilao sa Saksi Ngayon.
Indikasyon aniya ito na hindi napakiakinabangan ng mga consumers ang nasabing batas at hindi natupad ang pangako na bababa ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Filipino.
“Kaya hinahanap namin kung saan dinala ang mga bigas na yan. Dapat napunta yan sa mga mahihirap na consumers dahil yan ang ipinangako nila sa batas na ‘yan,” ayon pa sa dating mambabatas.
Magugunita na sinimulang iimplementa ang batas noong Marso 2019 kung saan maaaring mag-angkat ng bigas ang mga importers ng bigas sa ibang bansa nang walang limitasyon.
Dahil sa nasabing batas aniya, maraming magsasaka ang nalugi dahil ibinebenta ng mga ito sa P10 pababa ang kanilang palay dahil sa pagbaha ng imported rice sa bansa.
“Lugi na ang magsasaka natin, lugi pa ang mga consumers,” ayon pa kay Casilao sa nasabing forum na pinamumunuan ni Rep. Arlene Brosas.
195