Rep. Nograles umayuda, bumisita sa evac centers
PERSONAL na dinala ni Cong. Fidel Nograles ng 2nd District ng Rizal sa mga biktima ng Bulkang Taal na namamalagi sa tatlong evacuation center sa Lipa City, Batangas ang dalawang truck ng relief goods.
Kasama ni Cong. Nograles ang kanyang team kabilang si Rodriguez Chief of Police Lt. Col. Rexpher Gaoiran.
Mainit na tinanggap ng mga biktima ang grupo ni Cong. Nograles na sinamahan ng grupo ni dating Mayor Menard Sabile sa pag-iikot sa mga evacuation center.
Kabilang sa mga bakwit na nabigyan ng tulong ang mga nasa Lipa Academy Sports Culture and Arts; Inosloban-Marawoy Integrated National High School at Tambo Elementary School na pawang matatagpuan sa Lipa City, Batangas.
Sa panayam kay Cong. Nograles ng Saksi Ngayon News Team, sinabi nito na pagputok pa lang ng Bulkang Taal noong nakaraang Enero 12 ay agad na siyang naghanda ng personal na pera para makapagsagawa ng relief operations sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Nababahala ang mambabatas dahil apektado ang kabuhayan ng mga residente sa pagputok ng bulkan maging ang kanilang mga alagang hayop at pananim.
Ayon kay Cong. Nograles, ang kanyang pagtulong ay hindi lamang para sa kanyang mga constituent kundi maging sa taga-ibang lugar na biktima ng kalamidad o trahedya.
Kasabay nito, hinikayat ni Nograles ang sambayanan na magtulungan at magkaisa lalo sa mga ganitong panahon para maibsan ang epekto ng kalamidad sa mga Filipino. (Joel O. Amongo)
268