(NI BETH JULIAN)
TUTUMBUKIN ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ang mga plano nito para sa bansa at sa mamamayang Filipino sa huling tatlong taon niyang termino.
Kaya paalala ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa Sambayanan na pakinggan ang SONA ng Pangulo ngayong Lunes dahil napakahalaga ito.
“It is very important for every Filipino not only the 85% of the Filipinos who trusts the President; not only the 80% who are satisfied with the performance of the President, but including those Filipinos who disagree with the President; the minority, the 3% and perhaps those who are undecided. This Monday will be the day that you will know the future and how the future will look like in the Philippines,” pahayag ni Andanar.
Laman ng SONA ng Pangulo ang pagtiyak nitong maibaba ang antas ng kahirapan ng hanggang 14% mula sa 21% at maiparamdam sa mga Filipino ang pag-angat ng ekonomiya.
Asahan ding babanggitin ng Pangulo sa kanyang SONA ang isyu sa China, kung saan naging mainit noong nakalipas na buwan dahil sa insidente sa Recto Bank sa Palawan.
Gayunman, sinabi ni Andanar na naglunsad sila ng pre SONA activities sa Maynila, Cebu City at Davao City isang linggo bago sumapit ang Hulyo 22, dahil posibleng abutin ng hanggang gabi kapag inisa-isa nang iulat ng Pangulo ang kanyang mga nagawa sa loob ng nakalipas na tatlong taon.
“This is about legacy building. I call it the Duterte legacy. The Duterte legacy for the next three years will center around poverty alleviation, imprastraktura at peace and order,” ayon kay Andanar.
Binigyan diin ni Andanar na sa aspeto ng imprastraktura, maraming nakalinyang mga major project ang Duterte administration na inaasahang magpapabago sa buhay ng mga Filipino, sa pamamagitan ng dagdag na trabaho at mabilis na biyahe ng mga kalakal at ng mamamayan.
Sa record ng Build, Build, Build program, 75 na malalaking proyekto ang nakalinyang ilarga ng Duterte administration kabilang na rito ang railways, subway, flyovers, mga tulay at railway sa Mindanao.
Sa pamamagitan nito, nasa 28 to 35 na proyekto ang inaasahang matatapos bago magwakas ang termino ng Pangulo sa 2022 at ang matitirang proyekto ay nasa susunod na Presidente na kung itutuloy o hindi.
Asahan ding iuulat ng Pangulo ang mga adhikain na nais nitong malutas ang isyu ng peace and order kaya’t asahang bibigyang-diin nito ang mga ginagawa ngayon ng kanyang administrasyon para matigil na ang insureksiyon at pamamayagpag ng kilusang komunista sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflicts.
127