(NI BERNARD TAGUINOD)
NASA mood na si Albay Rep. Joey Salceda na ‘makipag-away’ sa plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang may 6,000 provincial bus sa Edsa lalo na’t papalitan umano ito ng may 20,000 sasakyan.
Si Salceda ang huling naghain ng petisyon sa Korte Suprema kung saan hiniling nito na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang mga Mahistrado dahil hindi pa inaabandona ng MMDA ang kanilang planong isara ang mga provincial bus stations sa Edsa.
Tinawag ng mambabatas na napaka-anti probinsyano umano ang planong ito ng MMDA dahil pinagdidiskitahan ng ahensya ang mga provincial bus na tiyak na mahihirapan kapag ibinaba ang mga pasahero mula sa Southern Luzon sa Sta.Rosa Laguna at Valenzuela City o kaya Bulacan sa mga galing sa Norte.
Subalit ang hindi matanggap ng mambabatas ay papalitan umano ng 20,000 mga bagong pampasaherong sasakyan ang mga 6,000 provincial bus gayong ang layon umano ng MMDA ay paluwagin ang kahabaan ng Edsa sa trapiko.
“The MMDA will ban 6,000 nothernbound and southbound provincial buses from plying Edsa but will in turn, allows the entry of close to 20,000 assorted vehicles along the same route, among them some 14,000 new black painted taxis, to service these provincial commuters. How then can it be called a solution to the traffic problem?” ani Salceda.
Walang ideya ang mambabatas kung sino ang may-ari ng 14,000 black painted taxis na makikinabang kapag nagtagumpay ang MMDA na maalis ang mga provincial buses sa Edsa.
Kasama rin umano sa mga ipapalit sa mga provincial buses sa Edsa ay ang 2,000 Point to Point (P2P) buses at libu-libong UV Express para hakutin ang mga may 50,000 pasahero ng mga provincial bus papasok sa Metro Manila.
“The ‘idoicy of the Edsa provincial bus ban emanates from the acknowledgement of MMDA traffic manager of Bong Nebrija that the MMDA thru the Metro Manila Council formulated the Edsa bus ban without any public consultation in January 2019,” ayon pa kay Salceda.
Bukod sa anti-probinsyano umano ang planong ito ng MMDA, tinawag din ito ni Salceda na anti-majoritarian, anti-proletarian at anti-commuter’ dahil 73% aniya sa 330,000 sa mga sasakyan na gumagamit sa Edsa araw-araw o 235,000 ay mga kotse na isa lang ang sakay.
153